Kaugnay ng teroristikong atake na naganap sa Kabul University, Afghanistan, nagpahayag nitong Martes, Nobyembre 3, 2020 si Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina ng mariing kondemnasyon ng panig Tsino dito. Inihayag din niya ang taos-pusong pakikidalamhati sa mga nasawi at pakikiramay sa mga kamag-anakan ng mga biktima at mga nasugatan.
Naganap nitong Lunes ang pamamaril at pagsabog sa Kabul University na ikinamatay ng di-kukulangin sa 19 na katao. Ito ang ika-2 insidenteng may kinalaman sa terorismo na nakatuon sa mga eskwelahan sa Kabul, nitong nakalipas na 10 araw.
Saad ni Wang, buong tatag na tinututulan ng panig Tsino ang anumang porma ng terorismo, at kinakatigan ang paglaban ng pamahalaan at mga mamamayan ng Afghanistan sa terorismo at pangangalaga sa seguridad ng bansa.
Nakahanda aniya ang panig Tsino, kasama ng komunidad ng daigdig, na suportahan ang Afghanistan sa pangangalaga nito sa kapayapaan, katatagan, kaunlaran at kasaganaan sa lalong madaling panahon.
Salin: Vera