Sinabi dito sa Beijing nitong Martes, Nobyembre 3, 2020 ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ay hindi hadlang sa pagpapalitan at pagtutulungan ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at sa katunayan ay, ibayo pang humihigpit at lumalalim ang relasyong Sino-ASEAN, sa kabila ng napakahirap na kondisyon.
Isinalaysay ni Wang na pagpasok ng kasalukuyang taon, lumago ang kooperasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan ng kapuwa panig. Noong unang tatlong kuwarter, umabot sa 481.8 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng bilateral na kalakalan, at ito ay katumbas ng 1/7 ng kabuuang halaga ng kalakalang panlabas ng Tsina. 10.7 bilyong dolyares naman ang direktang pamumuhunan ng Tsina sa mga bansang ASEAN, at ito ay lumaki ng 76.6% kumpara sa gayun ding panahon ng tinalikdang taon.
Pagkaraang sumiklab ang pandemiya ng COVID-19, nananatiling mahigpit pa rin ang pagpapalitan ng Tsina at ASEAN. Natapos kamakailan ang ika-3 aktibidad ng Jakarta Forum on China-ASEAN Relations. Samantala, sa katapusan ng kasalukuyang buwan, gaganapin naman sa Nanning, Rehiyong Awtonomo ng Guangxi ng Tsina, ang Ika-17 China-ASEAN Expo (CAExpo) at China-ASEAN Business and Investment Summit.
Salin: Vera