Ginanap Martes ng gabi, Nobyembre 17, 2020 ang Ika-12 Summit ng BRICS (Brazil, Rusya, India, China at South Africa), sa pamamagitan ng video link.
Dumalo at nagtalumpati sa summit si Pangulong Xi Jinping ng Tsina.
Diin ni Xi, dapat buong tatag na pangalagaan ng mga bansa ng BRICS ang katwiran at katarungan ng daigdig, igiit ang multilateralismo, ipatanggol ang simulain ng Karta ng United Nations (UN), pangalagaan ang sistemang pandaigdig na UN ang nasa sentro, at panatilihin ang kaayusang pandaigdig na ang pundasyon ay pandaigdigang batas.
Ipinagdiinan niyang upang mapasulong ang kontruksyon ng sentro ng pananaliksik at pagdedebelop ng bakuna ng mga bansa ng BRICS, itinayo na ng panig Tsino ang sentro ng Tsina sa larangang ito.
Inihayag ni Pangulong Xi ang kahandaan ng panig Tsino na pabilisin, kasama ng iba’t ibang panig, ang pagtatatag ng BRICS partnership sa bagong rebolusyong industriyal.
Para rito, itatatag aniya ng Tsina ang isang base ng inobasyon sa Xiamen, Lalawigang Fujian ng bansa, para isagawa ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng koordinasyong pampatakaran, pagsasanay ng talent, pagdedebelop ng mga proyekto at iba pa.
Saad ni Xi, hindi hihinto ang pag-init ng klima, dahil sa pandemiya ng COVID-19, at hindi dapat paluwagin kailanman ang pagharap sa pagbabago ng klima.
Nakahanda aniya ang Tsina na isabalikat ang responsibilidad na angkop sa lebel ng sariling pag-unlad, at patuloy na magpupunyagi para sa pagharap sa pagbabago ng klima.
Diin niya, pag-iibayuhin ng kanyang bansa ang sariling ambag, upang maabot ang peak value ng pagbuga ng carbon dioxide bago ang taong 2030, at maisakatuparan ang carbon neutrality bago mag-2060.
Sinabi niyang magiging mas malawak ang pagbubukas ng Tsina sa labas. Aktibong makikilahok ang Tsina sa merkadong pandaigdig, at mas aktibong mapapalalim ang pakikipagkooperasyon sa ibang bansa para makalikha ng mas maraming pagkakataon at espasyo sa pag-ahon at pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig.