Ayon sa China National Space Administration (CNSA), pagkaraang lumapag kahapon ng hatinggabi sa near side ng Buwan ang lander at ascender ng Chang'e-5 probe, nakolekta kaninang madaling araw, Miyerkules, ika-2 ng Disyembre 2020, ng lander ang mga sample ng lupa at bato sa hinukay na bahagi ng Buwan.
Sa kasalukuyan, kinukuha ng lander ang mas marami pang sample sa ibabaw o surface ng Buwan sa pamamagitan ng mga robotic arm. Ang lahat ng sample na magtitimbang ng 2 kilo ay ilalagay sa selyadong lalagyan, at isasakay sa ascender.
Pagkatapos, lilipad ang ascender sa lunar orbit, at dadaong sa orbiter ng Chang'e-5. Ililipat ang mga sample sa returner, para dalhin ang mga ito pabalik sa Mundo, para sa pananaliksik.
Salin: Liu Kai