Bilang tugon sa walang batayang pagbatikos ni Keith Krach, Pangalawang Kalihim ng Estado ng Amerika, sa Tsina sa aspekto ng pangangalaga sa kalikasan, sinabi nitong Lunes, Disyembre 7, 2020 ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na paulit-ulit na ginagamit ng ilang politikong Amerikano ang mga naibunyag na kasinungalian para pabulaanan ang mga natamong tagumpay ng Tsina sa aspekto ng pangangalaga sa kapaligiran at pagharap sa pagbabago ng klima, siraan ang imaheng pandaigdig ng Tsina, at takpan ang tunay na mukha ng panig Amerikano sa pagpinsala sa kapaligiran at paghadlang sa proseso ng pagsasaayos ng kapaligirang pandaigdig.
Sinabi ni Hua na pagdating sa usapin ng pagsira sa kapaligiran, nagiging “modest” o nangingimi ang panig Amerikano. Talagang nangunguna ang Amerika sa aspekto ng pagpinsala sa kapaligiran, ani Hua.
Ipinahayag ni Hua bilang bansang nagbubuga ng pinakamaraming greenhouse gas sa buong daigdig, hindi niratipika ng Amerika ang Kyoto Protocol, tinalikuran ang Paris Agreement at tumatanggi sa pagsasagawa ng mga napagkasunduan sa pangangalaga sa kapaligiran ng mundo, at grabeng humahadlang sa mga kaukulang proseso ng pagbabawas ng pagbuga at pagpapasulong ng luntian at low-carbon na pag-unlad sa buong daigdig.
Bukod dito, bilang pinakamalaking bansang nagluluwas ng solid waste at bansang mayroong napakalaking per capita plastic consumption sa daigdig, tinatanggihan din ng Amerika ang Basel Convention, bagay na malubhang humahadlang sa proseso ng pagsasaayos ng plastic waste sa buong mundo at nagdudulot ng napakalaking pinsala sa kapaligirang pandaigdig.
Salin: Lito
Pulido: Mac