Ang kinabukasan ng relasyong Sino-Amerikano ay nakadepende sa gagawing desisyon ng panig Amerikano, at magkasamang pagpupunyagi ng kapuwa panig.
Ito ang ipinagdiinan ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, sa isang video conference kasama ang mga business leader ng U.S.-China Business Council, Lunes, Disyembre 7, 2020.
Umaasa si Wang na patuloy na patitingkarin ng mga personahe ng naturang organisasyon ang mahalagang papel at pag-iibayuhin ang kanilang positibong ambag, para sa pagbalik ng relasyon ng dalawang bansa sa tumpak na landas.
Saad ni Wang, sa kanyang mensaheng pambati sa bagong halal na Pangulong Amerikano na si Joe Biden, ipinapaabot ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang kanyang pag-asang igigiit ng Tsina at Amerika sa lalong madaling panahon ang prinsipyo ng pag-iwas sa sagupaan at komprontasyon, paggagalangan, kooperasyon at win-win na resulta, at pag-uukulan ng pokus ang kooperasyon, kokontrolin ang alitan, pau-unlarin ang malusog at matatag na relasyong Sino-Amerikano, at magkakapit-bisig na pasusulungin, kasama ng iba’t ibang bansa at komunidad ng daigdig, ang kapayapaan at kaunlaran ng mundo.
Ito ang paninindigan at pananabik ng panig Tsino sa relasyong Sino-Amerikano sa susunod na yugto, dagdag ni Wang.
Aniya, ang pinakapangkagipitan ngayon ay dapat magkasamang magpunyagi ang kapuwa panig, upang isa-isang-tabi ang iba’t ibang hadlang, at isakatuparan ang matatag na transisyon ng bilateral na relasyon.
Samantala, dapat magpunyagi ang magkabilang panig, upang simulang muli ang diyalogo, bumalik sa tumpak na landas, at muling itatag ang pagtitiwalaan, ayon sa direksyong angkop sa komong kapakanan ng dalawang bansa at kani-kanilang mga mamamayan, ani Wang.
Kaugnay ng pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano sa hinaharap, iniharap din ni Wang ang 5 mungkahi hinggil sa pagpapaliwanag ng estratehikong kaalaman, pagpapalakas ng pag-uugnayan at diyalogo, pagpapalawak ng kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, pagkontrol sa kontradiksyon at alitan, at pagpapabuti ng atmospera ng mithiin ng mga mamamayan.
Salin: Vera