Sa ginaganap na Ika-3 Hainan Island International Film Festival sa lalawigang Hainan sa katimugan ng Tsina, idinaos kamakailan ang seremonya ng unang paglabas ng "2020 China Fights," 4K documentary film na ginawa ng China Media Group (CMG) tungkol sa paglaban ng mga mamamayang Tsino sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ginamit sa pelikula ang mga video footage na kapuwa kinuha ng mga mamamahayag ng CMG at karaniwang mga tao sa pamamagitan ng cell phone, para ipakita ang mga pangyayari, pangunahin na, sa Wuhan, lunsod sa gitna ng Tsina na napakagrabeng apektado ng COVID-19.
Sa naturang seremonya, itinanghal ang 25 minutong video clip, na kinabibilangan ng tatlong bahaging nais naming ihatid sa inyo.
Ang unang bahagi ay may-kaugnayan sa mga kaganapan sa mga ospital sa Wuhan noong unang yugto ng epidemiya, kung kailan ang COVID-19 ay tinawag na "pneumonia na hindi pa nakikilala ang sanhi."
Makikita rito ang pagsisiksikan sa mga ospital ng mga pasyenteng may lagnat at ubo.
Para naman sa mga doktor at nars, ito ang kauna-unahang pagkakataong nakita nila ang ganitong karaming may-sakit.
Hindi man sapat ang mga gamot at kagamitan para sa lahat ng may-sakit, gumagawa sila ng paraan upang matanggap sa ospital ang lahat at sila ay lunasan.
Magkagayunman, marami pa rin ang mga may-sakit, at tila ba, ay hindi nababawasan ang pila sa loob ng out-patient hall.
Ipinakikita ng bahaging ito kung gaano kagrabe at kahirap ang situwasyon noong unang yugto ng pandemiya.
Dahil ang COVID-19 ay lubhang nakakahawang sakit, at higit sa lahat, ito ay isang bagong uri ng virus, lumitaw sa loob ng maikling sandali ang napakaraming may-sakit.
Idinulot nito ang pagbagsak ng sistemang medikal, na kinabibilangan ng kakulangan sa mga doktor, nars, angkop na silid, kagamitan, gamot, at iba pa.
Ito rin ang dahilan kung bakit ipinadala sa Wuhan ang maraming tauhang medikal mula sa ibang mga lugar ng Tsina, at itinayo ang mga designated hospital at makeshift hospital.
Ang ikalawang bahagi ay isang talkshow sa Boston, Amerika, noong Pebrero ng taong ito, na ginawa ni Jesse Appell, komedyanteng Amerikano na nag-aral minsan sa Tsina.
Dito, ibinahagi ni Appell sa mga manonood ang mga video clip na kinuha niya mula sa social media ng Tsina, tungkol sa kung paano inaaliw ng mga Tsino ang sarili, at pinalalakas ang loob ng isa't isa sa panahon ng home quarantine.
Binanggit din niya ang kahalagahan ng pagsasagawa ng lockdown sa Wuhan.
Ayon kay Appell, sa labis na mahirap na panahong iyon, pinanatili ng mga Tsino ang kanilang "sense of humor."
Ipinakikita nito aniya ang lakas-loob, pagmamahal at pagiging optimistiko sa buhay ng mga Tsino.
Dagdag pa niya, ang kusang-loob na pagpapasailalim ng mga taga-Wuhan sa lockdown, at pagbubuwis ng ginhawa sa pamumuhay, ay hindi lamang para iligtas ang sarili, kundi, higit sa lahat, upang pigilin ang pagkalat ng virus sa ibang mga lugar ng Tsina at sa ibang bansa.
Ang ikatlong bahagi ay pagbibigay-lunas ng grupong medikal ng Sichuan sa isang babaeng nasa kritikal na kondisyon.
Ang pinakamakabagbag-damdaming sandali ng tagpong ito ay ang bahagi kung kalian nakahulagpos na sa kritikal na kondisyon ang naturang babae, at tinanong niya ang mga doktor at nars kung kalian siya puwedeng umuwi.
Dahil aniya, kung makakalabas na siya sa ospital, magkakaroon na rin ng pagkakataon ang mga doktor at nars upang umuwi, makapagpahinga, at makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay.
Tulad ng sinabi ng mga tagagawa ng pelikulang ito, sa kabila ng mga kahirapan at kalungkutan, ang pandemiya ay nakapagdulot ng mga nakakaantig na sandali para sa atin.
Ang paggawa anila ng pelikula ay para hindi lamang gunitain ang espesyal na panahong ito, kundi palaganapin din ang lakas-loob at kabutihan ng sangkatauhan.
May-akda: Liu Kai