Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Tsina, Pilipinas bilang kasalukuyang koordinador ng relasyong Sino-ASEAN, at iba pang mga bansang ASEAN hinggil sa pagpapanumbalik ng usapan hinggil sa Code of Conduct in the South China Sea (COC). Kamakailan ay idinaos ng mga may kinalamang bansa ang on-line meeting.
Ito ang winika kamakailan ni Embahador Huang Xilian ng Tsina sa Pilipinas.
Ani Huang, iminungkahi minsan ng panig Tsino na tapusin ang pagsasanggunian sa COC sa taong 2021. Pero, dahil sa epekto ng epidemiya ng COVID-19, tumagal ang proseso ng pagsasanggunian.
Umaasa aniya ang Tsina na malalampasan ng iba’t ibang panig ang kahirapan na dulot ng epidemiya para pabilisin ang konsultasyon. Iminungkahi ng panig Tsino na kung pahihintulutan ng kalagayan, dapat idaos ang magkakaharap na pagsasanggunian sa lalong madaling panahon para pasulungin ang second reading ng COC.
Diin ni Huang, noong 2016, narating ng mga Pangulo ng Tsina at Pilipinas ang mahalagang komong palagay hinggil sa maayos na paghawak sa isyu ng South China Sea (SCS). Ito aniya ay mahalagang pundasyon ng pagbuti ng bilateral na relasyon ng dalawang bansa.
Saad niya, itinatag na ng Tsina’t Pilipinas ang Bilateral na Mekanismo ng Pagsasanggunian o Bilateral Consultation Mechanism (BCM) hinggil sa isyu ng SCS at saka naibalik sa normal na landas ang paglutas sa mga may kinalamang isyu sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian.
Anang sugong Tsino, ang paglutas sa mga hidwaan hinggil sa isyu ng SCS sa pamamagitan ng diyalogo ay tamang landas na angkop sa pambansang kapakanan ng mga kasangkot na bansa. Aniya pa, ang pangangalaga sa katatagan at kapayapaan ng SCS ay komong misyon ng mga bansa sa rehiyong ito.
Nakahanda aniya ang Tsina na patuloy na pahigpitin, kasama ng Pilipinas, ang mga pragmatikong kooperasyong pandagat at pasulungin ang magkasamang paggagalugad sa natural gas at langis. Umaasa pa rin aniya siyang lubos na mapapasulong ng dalawang bansa ang kooperasyon sa larangan ng digital economy.
Iniharap ni Embahador Huang ang tatlong mungkahi hinggil sa maayos na paghawak sa hidwaan ng Tsina at Pilipinas sa SCS na kinabibilangan: una, dapat aktuwal na isakatuparan ang mga komong palagay na narating ng mga lider ng dalawang bansa; ikalawa, iwasan ang unilateral na aksyon na posibleng mapasalimuot ang kalagayan sa mga lugar na pinaghihidwaan ng dalawang panig; ikatlo, patuloy na panatilihin ang mahigpit na pag-uugnayan ng dalawang bansa hinggil sa mga isyung pandagat sa pamamagitan ng kasalukuyang mga tsanel na gaya ng BCM. Kasabay nito, dapat pasulungin ng dalawang bansa ang pagtatatag ng mekanismo ng pagkokoordina sa mga isyung pandagat at panghimpapawid para agad at mabisang hawakan ang mga biglaang insidente sa dagat.
Ulat: Ernest
Pulido: Mac/Jade
Web-edit: Lito