Itinatag ni Carol Ong ang Bebebalm Skin Care company sa Tsina noong 2018. Aniya, malaking tulong ng digital economy at online platforms gaya ng WeChat, Taobao at Weibo para sa marketing ng kanyang kompany lalo na sa gitna ng pandemya.
Sa taong ito, sa kabila ng COVID-19 pandemic, ipinakilala rin ni Carol ang mga produkto ng Bebebalm sa China-ASEAN Expo (CAEXPO) na idinaos sa Nanning, lalawigang Guangxi nitong nagdaang Nobyembre.
Kaya mula sa Shanghai, kung saan nakabase ang Bebebalm, ay tumulak pa rin si Carol Ong pa-Nanning para sumali sa Ika-17 CAEXPO. Ani Ong, test market ng buong Tsina ang CAEXPO.
Si Carol sa booth ng Bebebalm sa Ika-17 CAEXPO
Mula 2004, walang patid, laging kasali ang Pilipinas sa nasabing expo. Ngayong taon sa gitna ng pandemya ng COVID-19 natuloy pa rin ang CAEXPO. Sumali dito ang mahigit 20 MSMEs na Pinoy sa pamamagitan ng online platform. Samantala may 4 namang kumpanyang Pinoy na nakabase na sa Tsina ang nakipagsabayan sa pagpo-promote ng kani-kanilang mga produkto sa mga mamimili at negosyanteng Tsino at dayuhan.
Ramdam ni Carol Ong ang full-support ng buong Philippine Trade and Investment Center sa Tsina. At para sa maliit na kumpanyang tulad ng Bebebalm na sumasali sa napakalaking international expo ng gaya ng CAEXPO, malaking tulong ang ibinigay ng mga kinatawan ng PTIC Guangzhou, Shanghai at Beijing.
Si Carol kasama ng mga opisyal ng PTIC China
Mabunga ang pagsali ni Carol Ong sa Philippine Matchmaking Conference. Kung noong una target lang niya ang ma-penetrate at mas lumawak ang presensiya sa Chinese market, ikinagulat niya ang interes mula sa mga negosyanteng mula sa Africa, Dubai at Egypt. Mas lumalapit na ang pangarap niyang“world domination" ng Bebebalm, biro niya.
17th CAEXPO Matchmaking Conference kung saan nakilala ni Carol Ong ang mga potensyal na business partners
Sa panayam ng Mga Pinoy sa Tsina, ikinuwento rin ni Carol kaniyang payo sa mga EntrePinoys na nais pasukin ang pamilihang Tsino. “Go lang ng go,” payo niya pero dapat malalim na alamin“needs”ng mga mamimiling Tsino.
Ulat: Mac Ramos
Scrip/Web-edit: Jade
Audio-edit: Vera
Larawan: Carol Ong/PTIC Guangzhou