Perlas, mango at banana chips. Ito ang mga produktong Pinoy na naging patok na patok sa mga Tsino sa katatapos na Ika-17 China-ASEAN Expo (CAEXPO) na ginanap sa Nanning, Guangxi ng Tsina.
Sa panayam ng Filipino Service ng China Media Group, sinabi ni Commercial Vice Consul John Paul Inigo ng Philippine Trade and Investment Center (PTIC) Guangzhou, na kinagiliwan ng mga mamimili, lalo na ng mga kababaihang Tsino ang pearl jewelry na ipinakilala sa Philippine pavilion sa kauna-unahang pagkakataon.
“Simple pero elegante ang disenyo at affordable na presyo ang sa aking palagay kaya ito naging mabili. Humigit kumulang na 80% ng mga Pearl Jewelry ay nabili nitong CAEXPO,” aniya.
Ang mango at banana chips naman ay patuloy na best sellers. “Tulad ng mga nakaraang expo walang natira sa stock at laging ‘winner’ ang mga naturang produkto sa anumang edisyon ng CAEXPO,” saad ni Vice Consul Inigo.
Taun-taon kasali ang Pilipinas sa CAEXPO. Ngayong 2020, mahigit 30 MSMEs na Pilipino ang kalahok dito.
Pero, dahil sa COVID-19 pandemic safety protocols, limitado ang mga kumpanyang Pilipino na lumahok sa on-site exhibition sa Nanning. Paliwanag ni Ginoong Inigo, mga kumpanyang naka-base sa Tsina lamang ang nakasali. Ang iba naman ay dumalo sa pamamagitan ng online na paraan na gaya ng Zoom, WeChat at website na www.foodphilippines.cn. Bukod sa alahas at chips, itinampok ang coconut water, virgin coconut oil at baby / skin care products.
Ibinahagi rin ni Vice Consul Inigo, “Mahigit 20 kumpanyang Tsino ang nanood at nakinig tungkol sa pag-invest sa Pilipinas. Bagama't wala pa tayong aktuwal na nag-invest sa mga sumali, masasabi natin na successful naman ang (Philippine Investment) Seminar dahil sa nakapag-generate ito ng interest sa mga businessmen ng China.”
Sa post-pandemic era, hangad ni Vice Consul Inigo na ma-relax na ang quarantine protocols sa 2021. Inilahad niya sa CMG na “Napakahirap magpromote ng mga produkto at investments kung ang mga buyers at investors mismo ay hindi makabisita sa Pilipinas. So ang aming prayer for 2021, na sana ang pandemic na ito ay masawata na at sa gayon, yung mga interesado na mag-business sa Pilipinas ay makapunta na at sa gayon ay mas madaming oportunidad para sa ating mga kababayan sa Pilipinas (na) magtrabaho kaysa sa lumabas pa (sila) at mangibang bansa upang kumita lang ng pera.”
Samantala patuloy na magsisikap ang buong PTIC China (Beijing, Guangzhou, Hong Kong at Shanghai) na lumahok sa iba’t ibang mga major trade fairs sa darating na 2021 at magsagawa ng Investment Roadshows sa mga major cities in China, saad ng Vice Consul.
Ibinahagi rin ni Vice Consul Inigo ang pananaw hinggil sa relasyong Sino-ASEAN.
“Malaki ang posibilidad para sa kooperasyon ng Tsina at ASEAN. Kailangan natin ng mutual trust and confidence upang manatili ang kapayapaan sa rehiyon. Kung walang trust, walang business, kaya dapat lagi nag-uusap ang mga miyembro ng komunidad at magsagawa ng mga proyekto na mag-aangat sa buhay ng mga tao dito sa Asya,” aniya.
Sa opening ceremony ng 17th CAEXPO, sa ngalan ng Tsina, binanggit ni Pangulong Xi Jinping ang apat na proposal na naglalayong itatag ang mas mahigpit na komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at ASEAN. Tampok dito ang estratehikong pagtitiwalaan, kooperasyong pangkabuya’t pangkalakalan para sa pagpapanumbalik ng kaunlaran, kooperasyon sa inobasyong hay-tek at digital economy, at pagtutulungang pangkalusugan na kinabibilangan ng pagtugon sa COVID-19.
Ulat: Mac
Edit: Jade
Larawan: PTIC Guangzhou