Hubei, ipinagkaloob ang mga materyal na medikal sa Myanmar para sa paglaban sa COVID-19

2020-12-12 11:13:28  CMG
Share with:

Idinaos kahapon, Biyernes, ika-11 ng Disyembre 2020, sa Yangon, Myanmar, ang seremonya ng paglilipat ng mga materyal na medikal, na ipinagkaloob ng pamahalaang probinsyal ng lalawigang Hubei ng Tsina, bilang tulong sa Myanmar sa paglaban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

 

Ang naturang mga materyal na nagkakahalaga ng 2 milyong yuan RMB ay kinabibilangan ng mga personal protective equipment, isolation gown, N95 mask, at surgical mask.

 

Sa seremonya ng paglilipat, tinukoy ni Chen Hai, Embahador ng Tsina sa Myanmar, na ang donasyong ito ay bilang pasasalamat sa pamahalaan ng Myanmar para sa pagkakaloob nito ng 200 toneladang bigas sa lalawigang Hubei, noong panahong malubhang naapektuhan ng COVID-19 ang lalawigang ito.

 

Ito aniya ay nagpapakita ng pagkakaisa at pagtutulungan ng dalawang bansa sa panahon ng kahirapan.

 

Pinasalamatan naman ni Mya Lay Sein, Pangalawang Ministro sa Kalusugan at Palakasan ng Myanmar, ang mga mamamayan at pamahalaan ng Hubei.

 

Mahalaga aniya ang naturang mga materyal para sa mga tauhang medikal ng Myanmar sa frontline ng paglaban sa COVID-19.

 

Salin: Liu Kai

Please select the login method