Pagkakaisa at pagbabahaginan ng karanasan, diin ni Kalihim Andanar ng PCOO sa porum ng pandaigdigang pagbabawas ng kahirapan

2020-12-15 21:59:19  CMG
Share with:

Upang maipakita ang napakahalagang papel ng media sa proseso ng pagbabawas ng pandaigdigang kahirapan, pagbabahagi ng mahahalagang karanasan sa paglaban sa kahirapan, at paghahanap ng mga inobasyon at prosesong maaaring magamit sa hinaharap, inorganisa ngayong araw, Martes, Disyembre 15, 2020 ng China Media Group (CMG) ang online forum na “Media Exchanges on International Poverty Reduction.”

 

Pagkakaisa at pagbabahaginan ng karanasan, diin ni Kalihim Andanar ng PCOO sa porum ng pandaigdigang pagbabawas ng kahirapan

 

Sa talumpati ni Jose Ruperto Martin M. Andanar, Kalihim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), na inihayag ni Undersecretary Marvin R. Gatpayat, ibinahagi niya ang kanyang pananaw hinggil sa patuloy na nagkakaisang pagsisikap ng iba’t ibang bansa para maisakatuparan ang layunin ng paglipol ng karalitaan sa taong 2030, alinsunod sa United Nations Agenda for Sustainable Development.

 

Pagkakaisa at pagbabahaginan ng karanasan, diin ni Kalihim Andanar ng PCOO sa porum ng pandaigdigang pagbabawas ng kahirapan

Inihayag ni Undersecretary Gatpayat  (gitna) ang talumpati ni Secretary Andanar

 

Sinabi ni Andanar na ang pinakamahirap na problemang kailangan bigyang-priyoridad sa kasalukuyan at hinaharap ay ang karalitaan ng mga mamamayan.

 

“Walang anumang panahon sa kasaysayan ng sibilisasyon [ng sangkatauhan] na nagkaroon ng ganito kalalang problema: napakarami ang naghihirap, samantalang kakarampot lamang ang nagtatamasa ng ginhawa,” saad ni Andanar.

 

Aniya pa, bawat henerasyon ng mga economic manager ay gumawa ng mga paraan upang solusyunan ang problemang ito, at ang mga pamahalaan ng mundo ay naglabas ng mga polisiya at programa upang magkaroon ng mga pagbabagong magsasalba ng buhay, ngunit sa kabila nito, nariyan pa rin ang mga hamon at balakid sa landas ng tagumpay.

 

Dagdag pa riyan, ang di-inaasahang paglitaw ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) ay malaking nag-antala sa progresibong implementasyon ng mga gawaing pangkaunlaran dahil sa mga protokol na pangkalusugan at panlulumo ng kabuhayang pandaigdig, saad ni Andanar.

 

Kaya naman, ang pagdaraos aniya ng Forum on Media Exchanges on International Poverty Reduction ay napapanahon at nararapat dahil ito ay isang mainam na pagkakataon upang  malapatan ng lunas ang karamdamang dulot  ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagtutulungan, pagpapalitan ng mahahalagang karanasan, at pagtatayo ng pinagbabahaginang kaalaman at datos upang maabot ang isang sustenable at may-katamtamang-kaginhawang lipunan.

 

Hinggil dito, sinabi ni Andanar na malaki ang kontribusyon ng Tsina, sapagkat naitakda na nito ang padron na maaaring sundin ng 10 miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

 

Noong 2012, inilunsad ng Tsina ang pambansang programa sa pagbabawas ng kahirapan, at sa pagitan ng huling bahagi ng 2012 hanggang sa huling bahagi ng 2019, 93.48 milyong mamamayang Tsino ang nai-ahon mula sa ganap na kahirapan o extreme poverty.

 

Ang bilang na ito ay katumbas ng pinagsamang populasyon ng United Kingdom at Australia.

 

Dahil dito, mahigit 70% ang naging kontribusyon ng Tsina sa pagbabawas ng kahirapan sa buong mundo, at naging dahilan din upang 10 taong mapa-aga ng bansa ang pag-abot sa mga layunin ng pagbabawas ng kahirapan sa ilalim ng United Nations 2030 Agenda for Sustainable Development.

 

Target ng Tsina na lipulin ang ganap na kahirapan ngayong 2020.

 

Kaugnay nito, sinabi ni Andanar na mayroong malusog na pagpapalitang pang-media ang mga bansang ASEAN, at dahil dito, napagyayaman ang mga ideyang may-kinalaman sa mga polisiyang maghahatid ng kasagutan sa mga suliranin ng kontemporaryong panahon.

 

Samantala, masuwerte aniya ang Pilipinas dahil mayroon itong Pangulong Rodrigo Duterte na nagtataglay ng matatag, maliwanag at komprehensibong pananaw tungo sa pagkakaroon ng komportable at may dignidad na pamumuhay para sa bawat Pilipino.

 

“Sa nakalipas na apat na taon, patuloy na nararanasan ng mga mamamayang Pilipino ang mga pagbabago tungo sa pagkakamit ng layuning ito,” diin ni Andanar.

 

Nananalig siyang sa pamamagitan ng patuloy na diyalogo at kooperasyon,  lalo pang mapapalakas ang historikal na ugnayan ng Pilipinas at Tsina, at ASEAN at Tsina.

 

“Ang masaganang buhay ay nukleong layunin [ng Pilipinas at Tsina], at ang pagkakaibigan sa pagitan ng dalawang bansa ay sinlakas ng layuning ito, kaya posible ang pagpuksa sa kahirapan,” diin ng kalihim.

 

Ang Media Exchanges on International Poverty Reduction ay isa sa mga online parallel forum sa ilalim ng International Forum on Sharing Poverty Reduction Experience na idinaraos mula Disyembre 14 hanggang 16, 2020.

 

Sa pamamagitan ng temang “Promoting Global Poverty Reduction and Building a Global Community of Shared Future,” nagpalitan ng pananaw at nagbahaginan ng mahahalagang karanasan ang ibat-ibang personahe mula sa pamahalaang Pilipino; United Nations Educational Scientific and Cultural Organization (UNESCO); mga dating punong ministro ng Belgium, Hungary at Italy; mga ministro mula sa Cambodia, Senegal; media at iba pang personahe.

 

Ang porum ay magkasamang inorganisa ng State Council Information Office ng Tsina, State Council Leading Group Office of Poverty Alleviation and Development ng Tsina, China Media Group, Chinese Academy of Social Sciences, China Development Bank, at International Poverty Reduction Center in China.

 

Ulat: Rhio Zablan

Edit: Jade 

Larawan: CGTN/Frank

Please select the login method