Nakabalik sa Mundo, alas-1:59 AM ng Huwebes, Disyembre 17, 2020 ang Chang'e-5 lunar probe ng Tsina.
Sa kauna-unahang pagkakataong sa loob ng apat na dekadang nakalipas, dala nito pauwi ang dalawang kilong bato , lupa at mga sample mula sa Buwan.
Ang Tsina ay naging ikatlong bansa sa daigdig na nagdala ng mga samples mula sa Buwan kasunod ng Amerika at dating Soviet Union.
Sa kanyang mensaheng pambati, sinabi ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na ang tagumpay ng Chang’e-5 mission ay nakapag-aambag sa pananaliksik ng sangkatauhan kung paano nabuo ang Buwan at pagbabago ng Solar System. Aniya, ang diwa ng paggagalugad sa Buwan na nagpapakita ng buong tapang na pagpapatupad sa pangarap, pagkakaisa sa pagtugon sa pagsubok at kahirapan, at pagtutulungan tungo sa komong kaunlaran ay magpapasigla sa mga Tsino na patuloy na pag-aralan ang kalawakan para mapasulong ang kapakinabangan ng sangkatauhan.
Ang tagumpay ng misyon ng Chang’e-5 ay nagpakita rin ng pagpapatupad ng Tsina ng unang tatlong yugto ng Lunar Exploration Program nito. Ang Cheng’e-5 ay nakatulong sa pagtupad ng Tsina ng limang “Una”sa kasaysayang pangkalawakan ng bansa. Kabilang dito ang unang pangongolekta at pagpapadala ng mga samples mula sa isang celestial body, unang ignition at paglipad ng isang probe mula sa isang celestial body, unang unmanned rendezvous at docking sa lunar orbit, at unang pananaliksik at analisis ng mga samples mula sa Buwan.
Ayon sa Outer Space Treaty, ang mga yaman sa outer space ay komong yaman ng sangkatauhan. Kaugnay nito, ipinahayag ni Wu Yanhua, Pangalawang Puno ng China National Space Administration (CNSA), na ayon sa mga pandaigdig na kombensyong pangkooperasyon, ibabahagi ng Tsina sa mga siyentistang dayuhan ang datos at lunar samples na kinuha ng Chang’e-5 lunar probe.
Walang hanggahan ang siyensiya. Ang pag-unlad ng programang pangkalawakan ng Tsina ay laging nananangan sa pagbubukas at inobasyon. Ang tagumpay ng Chang’e-5 ay hindi maihihiwalay sa pandaigdig na kooperasyon.
Sa kasalukuyan, mahigit 140 dokumentong pangkooperasyon ang nilagdaan ng CNSA, kasama ng 44 na organong pangkalawalan ng mga bansang dayuhan at apat na pandaigdig na organisasyon. Ang pagtutulungan ay sumasaklaw sa paggagalugad sa Buwan, Mars at iba pa. Sa proseso ng pagsasagawa ng Chang’e-5 mission, nakipagtulungan ang Tsina sa mga bansang dayuhan at organisasyong pandaigdig na gaya ng Argentina, Namibia, Pakistan at European Space Agency.
Walang pagtatapos ang paggagalugad ng sangkatauhan sa kalawakan. Sa diwa ng paggagalugad ng Buwan, ipagpapatuloy ng Tsina ang inobasyon at pagpupursige, at palalakasin ang pakikipagtulungan sa mga bansang dayuhan at organisasyong pandigdig para magsagawa ng mas malaking kontribusyon para sa mas magandang pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.
Salin: Jade
Pulido: Mac