Napag-alaman Martes, Enero 5, 2021 ng mamamahayag mula sa Ministri ng Industriya at Teknolohiya ng Impormasyon ng Tsina na pinapasulong ng ministring ito ang proseso ng pagsasaindustriya ng bakuna, at pinapalawak sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ang production capacity, upang maigarantiya ang produksyon at suplay ng bakuna laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Diin ni Wang Jiangping, Pangalawang Ministro ng nasabing Ministri, na dapat matatag na pabilisin ang pagpapalawak ng production capacity, siyentipikong isaayos ang plano sa produksyon, sa paunang kondisyon ng paggarantiya sa kalidad at kaligtasan ng bakuna, at puspusang pabutihin ang gawain ng pagpoprodyus at pagsuplay ng bakuna laban sa COVID-19.
Ayon sa naturang ministri, sa kasalukuyan, magkakasunod na isinasagawa ng 18 kompanya sa loob ng bansa ang konstruksyon ng production capacity ng bakuna laban sa COVID-19. Kasabay ng ibayo pang pagtaas ng production capacity, ang kakayahan ng Tsina sa pagpoprodyus ng ganitong bakuna ay maaaring makatugon sa pangangailangan ng malawakang pagbabakuna sa loob ng bansa.
Salin: Vera