Isinalaysay ngayong araw, Biyernes, ika-15 ng Enero 2021, ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na dumating kahapon ng tanghali ng Wuhan ang grupo ng World Health Organization (WHO) na binubuo ng 13 siyentista, para isagawa ang pananaliksik sa pinanggalingan ng coronavirus.
Sinimulan na ang dalawang linggong pagkukuwarentenas ng naturang mga dalubhasa, batay sa hakbangin ng Tsina laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), ani Zhao.
Sinabi rin ni Zhao, na nasa Singapore pa ang dalawang miyembro ng nasabing grupo, na isang taga-Britanya at isang taga-Qatar, dahil nagpositibo sila sa COVID-19 antibodies.
Diin niya, ito ay batay sa regulasyon ng Tsina, na ang mga pasaherong Tsino man o dayuhan na pupunta sa Tsina mula sa ibang bansa ay dapat maging negatibo sa kapwa COVID-19 nucleic acid at antibodies test.
Dagdag ni Zhao, isinagawa na ang ikalawang round ng antibodies test sa naturang dalawang dalubhasa, at naging negatibo ang resulta ng taga-Britanya, pero positibo pa rin ang taga-Qatar. Pinahintulutan na aniya ang pagpasok ng taga-Britanya sa Tsina.
Ayon pa rin sa nakatakdang plano, pagkatapos ng pagkukuwarentenas, isasagawa ng mga dalubhasa ng WHO ang dalawang linggong field research.
Sa panahon ng kani-kanilang kuwarentenas, makikipagkooperasyon sila sa mga siyentipikong Tsino, sa pamamagitan ng video conference.
Salin: Liu Kai