Bunga ng pagpapanumbalik ng kabuhayan at produksyon, pumalo sa $4.65 trillion ang kalakalang panlabas ng Tsina noong 2020. Ito ay mas mataas ng 1.5% kumpara sa taong 2019.
Ang naturang datos ay isinapubliko ng General Administration of Customs (GAC) ng Tsina nitong Huwebes, Enero 14, 2021.
Noong 2020, ang ASEAN ay naging pinakamalaking trade partner ng Tsina. Umabot sa 4.74 trillion yuan ( $732 billion) ang kabuuang halaga ng kalakalang Sino-ASEAN. Umakyat ito ng 7% kumpara sa taong 2019.
Kasabay nito, lumaki ng 5.3% at 8.8% ayon sa pagkakasunod ang kabuuang halaga ng pagluluwas at pag-aangkat ng Tsina sa Uniyong Europeo (EU) at Amerika, ikalawa at ikatlong pinakamalaking trade partner ng bansa.
Ayon sa estadistika, noong 2020, umabot sa 32.16 trillion yuan (mga $4.97 trillion) ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng paninda ng Tsina. Ito ay tumaas ng 1.9% kumpara sa taong 2019.
Dahil dito, ang Tsina ay naging tanging pangunahing ekonomiya ng daigdig na nagsakatuparan ng positibong paglaki sa kalakalan sa paninda. Kabilang sa mga iniluwas na paninda ng Tsina ang mga produktong may kinalaman sa pagpigil at pagkontrol sa COVID-19 at pang-araw-araw na pangangailangan. Masasabing nakakatulong ang mga ito sa pagtugon ng daigdig sa pandemiya at pagtatrabaho sa bahay.
Sa aspekto ng pag-aangkat, ang malaking pamilihang Tsino ay nakalikha ng espasyo ng pag-unlad para sa iba pang mga bansa. Noong 2020, lumaki ng 7.3% ang pag-aangkat ng Tsina ng krudong langis, kumpara sa taong 2019. Samantala, tumaas ng 28% at 60.4% ang inangat na pagkain at karne ayon sa pagkakasunod.
Sa harap ng dagok ng COVID-19 at pag-urong ng cross-border trade, ang paglaki ng pag-aangkat at pagluluwas ng Tsina ay itinuturing na lakas-panulak ng pagpapanumbalik ng pandaigdigang industrial chain at supply chain.
Sa bagong taon, patuloy na susuportahan ng Tsina ang globalisasyong pangkabuhayan, at patitingkarin ang papel bilang pinakamalaking bansa ng kalakalan sa paninda, para walang patid na mag-ambag sa muling pagyabong ng kabuhayang pandaigdig at pagsasakatuparan ng komong kasaganaan.
Salin: Jade
Pulido: Mac