Tsina, kakatigan ang bagong halal na Direktor-Heneral ng WTO

2021-02-16 13:04:12  CMG
Share with:

Sa espesyal na pulong ng Pangkalahatang Konseho ng World Trade Organization (WTO) na idinaos nitong Lunes hapon, Pebrero 15 (Geneva time), 2021, hinirang si Ngozi Okonjo-Iweala bilang bagong Direktor-Heneral ng WTO.

 

Kaugnay nito, ipinaabot ng opisyal ng Ministri ng Komersyo ng Tsina ang pagbati ng panig Tsino sa panunungkulan ni Ngozi Okonjo-Iweala sa nasabing posisyon.

 

Sinabi niya na sa mahabang panahon, malaking pagpupunyagi ang ginawa ni Ngozi Okonjo-Iweala sa larangan ng pagbabawas ng karalitaan sa mga umuunlad na bansa at usaping pangkalusugan sa buong daigdig, kaya mayroong siyang mayamang karanasan sa pamamahala sa isang pandaigdigang organisasyon.

 

Dagdag pa riyan, sinabi niyang patuloy pa rin ang pagkalat  ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), at nahaharap ang sistema ng multilateral na kalakalan sa malalaking hamon.

 

Aniya, lipos ang kompiyansa ng panig Tsino sa panunungkulan ni Ngozi Okonjo-Iweala bilang Direktor-Heneral ng WTO.

 

Umaasa rin aniya ang Tsina na mapapatingkad niya ang mas malaking papel sa pandaigdigang kooperasyon sa pakikibaka laban sa pandemiya, pagbangon ng kabuhayan, at iba pang aspekto.

 

Dagdag pa ng opisyal Tsino, bilang responsableng umuunlad na bansa, buong tatag na kinakatigan ng Tsina ang sistema ng multilateral na kalakalan, at aktibo itong nakikilahok sa reporma ng WTO para suportahan ang pagsasagawa ng mga gawain ng Direktor-Heneral ng WTO at makapagbigay ang WTO ng mas malaking ambag para sa pagpapabuti ng pandaigdigang sistema ng pangangasiwa at paghahatid ng mas malaking benepisyo sa mga mamamayan ng buong daigdig.


Salin: Lito
Pulido: Rhio

Please select the login method