Aktibong tinutupad ng Tsina ang pangako nitong gawing pandaigdig na produktong pampubliko ang bakuna laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Hanggang sa kasalukuyan, 53 umuunlad na bansang nagpahayag ng kahilingan ang pinagkalooban ng Tsina ng mga bakuna. Kasabay nito, nagluwas na at nagluluwas ang Tsina ng bakuna sa 22 bansa. Bukod dito, sa kahilingan ng World Health Organization (WHO), nagpasya rin ang Tsina na magbigay ng unang batch ng 10 milyong dosis ng bakuna sa COVID-19 Vaccines Global Access (COVAX) para matugunan ang pangkagipitang pangangailangan ng mga umuunlad na bansa.
Ipinahayag kamakailan ni Antonio Guterres, Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN) ang kanyang kalungkutan dahil sa malawakang di-pantay na pagbabakuna sa daigdig. Aniya, sampung (10) bansa na ang nakapagturok ng 75% ng mga bakuna, samantalang mahigit 130 bansa ang wala pang bakuna.
Noon pa mang Mayo, 2020, sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas ng Ika-73 Sesyon ng World Health Assembly, ipinangako na ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na kapag naidebelop ang mga bakuna ng bansa, ang mga ito ay magiging pandaigdig na produktong pampubliko para matiyak ang “accessibility” at “affordability” ng mga umuunlad na bansa.
Sa katatapos na virtual meeting ng United Nations Security Council (UNSC) hinggil sa pamamahagi ng COVID-19 vaccine, muling nanawagan ang panig Tsino na magkapit-bisig ang iba’t ibang bansa para mapasulong ang pagiging “accessible” at “affordable” para sa mga umuunlad na bansa at mga lugar na nakakaranas ng digmaan at alitan. Bilang pagtupad sa pangako, ipinatalastas din ng Tsina ang naturang desisyon ng pagbibigay ng 10 milyong dosis ng bakuna sa COVAX.
Samantala, sa virtual meeting ng mga lider ng G7 nitong nagdaang Biyernes, Pebrero 19, nangako ang mga kalahok na pondohan ang pandaigdig na pantas na akses sa pagsubok, panggagamot at bakuna para masugpo ang pandemiya ng COVID-19.
Inaasahan naman ng iba’t ibang panig ang pagsasakatuparan ng naturang mga lider ng kanilang pangako.
Salin: Jade
Pulido: Mac