Tsina, walang patid na tumutulong sa mga bansang Aprikano sa pagbawas ng utang

2021-02-24 08:48:54  CMG
Share with:

 

Walang bansang Aprikano ang dumaranas ng kahirapan dahil sa utang kaugnay ng  kanilang pakikipagtulungan sa Tsina, at laging nakahanda ang Tsina na hanapin ang angkop na kalutasan sakaling maharap sa problemang pangkabuhayan ang mga bansang Aprikano.

 

Ito ang winika ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina sa kanyang pagtugon sa ulat ng direktor ng China-Africa Research Initiative ng Johns Hopkins University School of Advanced International Studies (SAIS-CARI).

 

Ayon sa direktor ng CARI na si Dr. Deborah Brautigam, makaraan ang pagsusuri sa ekstensibong datos hinggil sa pautang ng Tsina sa Aprika, walang natuklasang ebidensya na sinasamsam ng Tsina ang ari-arian ng mga bansang Aprikano kung hindi nila kayang magbayad ng mga utang.

 

Ani Wang, inilathala rin ng The Atlantic ang artikulong pinamagatang The Chinese 'Debt Trap' Is A Myth, na sumisipi sa maraming batayang nagpapatunay na ang di-umano’y“debt trap”ng Tsina ay kasinungalingang tinahi ng ilang politikong Kanluranin.

 

Paliwanag ni Wang, kung titingnan ang utang ng mga bansang Aprikano, mahigit 3/4 ng mga ito ay galing sa mga multilateral na institusyong pinansyal at pinagkakautangang komersyal o commercial creditor, kaya isinasabalikat ng naturang mga panig ang mas malaking responsibilidad ng pagpapahupa ng utang ng mga bansang Aprikano.

 

Isinalaysay pa ng tagapagsalitang Tsino, na buong-higpit na sinusunod ng Tsina ang mga kasunduan nito sa mga bansang Aprikano at G20 Debt Service Suspension Initiative (DSSI) para tugunan ang mga pangangailangan ng Aprika.

 

Ani Wang, narating ng Tsina sa 16 na bansang Aprikano ang mga kasunduan hinggil sa pagpapahupa ng kani-kanilang utang.

 

Sa ilalim ng Forum on China-Africa Cooperation (FOCAC), kinansela ng Tsina ang walang-interes na utang (interest-free loan) ng 15 bansang Aprikano na nakatakdang bayaran noong katapusan ng 2020, saad pa niya.

 

Inulit din ni Wang, na ang isyu ng utang ng mga umuunlad na bansa ay mahaba at masalimuot, at ang pinakapundamental na solusyon para rito ay tulungan at suportahan sila upang pasulungin ang sariling kakayahang pangkaunlaran para maisakatuparan ang mas malaking pag-ahon.

 

Salin: Jade

Pulido: Rhio

Please select the login method