Nag-umpisa ngayong araw sa Davao city ang pagbabakuna laban COVID-19, pagkatapos dumating ang unang batch na 12,000 dosis ng Sinovac vaccine nitong Martes at ang karagdagang 21,600 nitong Miyerkules mula sa Maynila.
Ngayong umaga, inilunsad sa Southern Philippines Medical Center (SPMC), Davao City ang pagbabakuna. Ang SPMC ay pangunahing COVID-19 hospital facility at pinakamalaking pampublikong ospital sa lunsod.
Sa symbolic vaccination, si Dr. Ricardo Audan, Officer-in-Charge ng SPMC ay ang unang binakunahan. Si Kalihim Francisco Duque III ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ang nagturok ng bakuna kay Dr. Audan.
Ang natanggap na 33,600 dosis na CoronaVac, brand name ng bakuna ng Sinovac BioTech, ay bahagi ng 600,000 dosis na donasyon ng Tsina, na ipinadala sa bansa nitong Linggo, Pebrero 28, 2021.
Sinabi ni Department of Health (DOH) Davao Director Annabelle Yumang, na ang 33,600 natanggap na dosis ay magiging sapat para sa tig-dalawang dosis ng 16,600 frontliners. Ang ikalawang dose ay kailangang ibakuna 28 araw pagkatapos ng unang iniksyon.
Bukod sa Davao City, 17,400 dosis ng Sinovac vaccine ang dumating ng Cagayan de Oro City, 12,000 dosis sa Legazpi City, at 4,200 sa Cotabato City, lulan ng PAL flight.
Samantala, nagsimula nitong Huwebes, Marso 4, ang pagbabakuna sa Cebu City. Ang mga frontliners ng Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) na pinamumunuan ni VSMMC Medical Chief na si Dr. Gerardo Aquino Jr. ang nanguna sa pagpapabakuna.
Hanggang sa ngayon, sinimulan na ang pagbabakuna sa lahat ng tatlong lugar na Metro Manila, Cebu at Davao na itinakda ng pamahalaang Pilipino bilang priyoridad ng vaccination program ng bansa.
Ipinatalastas nitong Huwebes, Marso 4, ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-do-donate ng Tsina ang karagdagang 400,000 dosis ng bakuna kontra COVID-19 at dahil dito, aabot sa isang milyon ang bakunang kaloob ng Tsina.
Inilahad ito ni Duterte sa pasinaya ng gusali ng eskuwela sa Valenzuela City. Pero, hindi nito binanggit ang tatak ng bakunang ipagkakaloob ng Tsina.
Matatandaang pinirmahan kamakailan ng Pilipinas at Sinovac ang kasunduan para bumili ng isang milyong dosis ng CoronaVac. Inaasahang darating ang mga biniling bakuna sa Pilipinas sa ikatlong linggo ng Marso.
Kasabay nito, dumating ng Pilipinas gabi ng Huwebes, ang 487,200 dosis ng AstraZeneca vaccines na galing sa World Health Organization-led COVAX facility.
Ayon sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaang Pilipino, uunahing turukan ng bakuna ang frontline worker, sa mga pambansa’t lokal na health facilities, pampublikio man o pribado. Ang pangalawang priyoridad ay ang mga senior citizens na may edad na 60 at pataas. Ang pangatalong priyoridad naman ay ang mga taong may comorbidities.
Ulat: Jade
Pulido: Mac
Photo credit: Radyo Pilipinas/PCOO