Programa ng pagbabakuna, sinimulan sa Cebu: mga nabakunahan sa Metro Manila, walang matinding masamang epekto

2021-03-04 14:45:48  CMG
Share with:

 

Kasabay ng matagumpay na pagbabakuna sa mga pampubliko at pribadong ospital sa Metro Manila, sinimulan na rin ngayong hapon ang pag-iiniksyon ng bakunang gawa ng Sinovac sa Cebu City.

 

Kaugnay nito, ginanap ngayong hapon, Marso 4, 2021, ang seremonyal na pagbabakuna sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC), at mismong si VSMMC Medical Chief, Dr. Gerardo Aquino Jr. ang unang tinurukan ng bakuna.  

 

 

Sa pahayag, sinabi ni Dr, Aquino, na ito ay para ipakita ang kahalagahan ng pagpapabukuna laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

 

Sa hiwalay na panayam ngayong umaga sa PTV, sinabi ni Dr. Aquino na tatagal ng anim hanggang pitong araw ang pagbabakuna sa kanyang ospital.

 

Ang 7,200 dosis ng bakuna na natanggap ng VSMMC ay bahagi ng 600,000 dosis na donasyon mula sa Tsina, na dumating ng bansa nitong nagdaang Linggo, Pebrero 28.

 

Makaraang dumating ang mga bakunang gawa ng Sinovac, inumpisahan na rin kinabukasan sa mga pampublikong ospital ang inokulasyon, kung saan si Philippine General Hospital (PGH) Director Dr. Gerardo“Gap”Legaspi ang kauna-unahang tinurukan.

 

Kaugnay nito, sinabi ngayong araw ng Malakanyang, na nitong tatlong araw na nakalipas, sapul nang ilunsad ang COVID-19 vaccination program ng bansa, 8,559 nang indibidwal ang inokulahan ng unang dose ng CoronaVac, opisyal na tawag sa bakunang gawa ng Sinovac ng Tsina.

 

Sa LagingHanda Briefing kahapon, kapuwa sinabi nina Dr. Eric Domingo, Direktor ng Food and Drug Administration (FDA) at Dr. Edsel Salvana, Direktor ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology sa University of the Philippines, na wala silang nararamdamang masamang epekto ng bakuna, dalawang araw makaraan silang turukan noong Marso 1.

 

Pero, sinabi nilang patuloy nilang i-mo-monitor ang kalagayan ng kanilang katawan.

 

Kaugnay ng mahigit 20 tauhang nakakaranas ng banayad na negatibong epekto o mild adverse effect sapul nang turukan ng unang iniksyon ng bakuna, ipinalinawag ng naturang mga doktor na ang mga ito ay normal na side-effect ng mga bakuna

 

Ipinahayag din ni Dr. Domingo ang pagkakagalak sa mataas na paglaki ng bilang ng mga tauhang medikal na gustong magpabakuna pagkaraan ng  unang araw ng vaccination rollout ng bansa noong Marso 1.

 

Ipinaalala naman ni Dr. Salvana sa mga nabakunahan na kailangang sunduin pa rin ang mga “minimum health standards” sa kabila ng inokulasyon.

 

Kabilang sa mga kahilingan ng kampanyang “minimum health standards” ng Pilipinas laban COVID-19 ang pagmamaskara, paghuhugas ng mga kamay, at pagpapanatili ng pisikal na distansya, na kilala bilang “Mask, Hugas, Iwas.”

 

Ulat: Jade 

Pulido: Mac

 

Please select the login method