Sinovac vaccines, dumating ng Cebu at Davao; PRRD, muling ipinaabot ng pasasalamat sa donasyon ng Tsina

2021-03-02 09:44:22  CMG
Share with:

Matapos simulan ang vaccination program sa Metro Manila kahapon, Lunes, Marso 1, dumating ngayong umaga ng Cebu at Davao ang mga bakuna mula sa Sinovac.

 

Nakatakdang magsimula ang pagbabakuna sa mga nabanggit na lunsod bukas, Miyerkules, Marso 3.

 

Pagkaraan ng isang oras at 16 minutong paglipad, ang mga 7,200 dosis ng Sinovac vaccines ay dumating ng Cebu, alas 7:38 ngayong umaga, Marso 2, lulan ng Philippine Airlines (PAL) flight.

 

Lulan din ng PAL flight, 12,000 dosis ng bakuna ang dumating ng Davao alas-6:48 ngayong umaga, Marso 2.

 

Ang naturang mga kargamento ay bahagi ng 600,000 dosis na donasyon mula sa Tsina, na dumating ng bansa nitong nagdaang Linggo, Pebrero 28.  

 

Ang mga bakuna ay inilipat sa mga cold-storage vans, at dinala sa mga ospital kabilang ang Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City at Southern Philippines Medical Center sa Davao city.

 

Ang Metro Manila, Cebu City at Davao City ay tatlong priyoridad na lugar sa pagbabakuna na itinakda ng pambansang pamahalaan ng Pilipinas.

 

Matatandaang dumating 4:10 PM, Pebrero 28, 2021 sa Villamor Airbase, Pasay City ang 600,000 dosis ng bakuna kontra COVID-19 na kaloob ng Tsina na gawa ng Sinovac Biotech Ltd..

 

Inihatid ang mga bakanang donasyon sa Pilipinas, lulan ng isang People's Liberation Army (PLA) Air Force plane.

 

Dumalo sa seremonya ng paghahandog si Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kasama ng mga miyembro ng Gabinete at sugong Tsino sa Pilipinas na si Huang Xilian.

 

Sa kanyang regular na pakikipagtagpo sa ilang miyembro ng Gabinete at opisyal ng pamahalaan bilang tugon sa mga kinakaharap na isyu ng bansa, kahapon, Lunes, March 1, muling ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mataimtim na pasasalamat sa Tsina.

 

Sa kaibuturan ng kaniyang puso, ipinaabot ni Pangulong Duterte  ang pasasalamat kay Pangulong Xi Jinping, sa pamahalaan at sambayanang Tsino sa kanilang pagiging bukas-palad.

 

Ani Duterte, sa hinaharap, nawa ay maaari siyang gumanti sa naturang kabutihan, kung mayroon pa siyang sapat na panahon sa mundong ito.

 

Dagdag pa niya, para sa ikabubuti ng mga Pilipino, nang buuin ang Inter-agency Task Force Against COVID-19 ng bansa, tinawagan ni Duterte si Pangulong Xi.

 

Sinabi niya kay Xi, “Mr. President, wala kaming teknolohiya o know-how (sa pagdebelop ng bakuna kontra COVID-19). Sana  hindi ninyo kami malilimutan kung lalala ang situwasyon (if things go into a foul).”

 

Nang umalis sila ng entablado sa seremonya ng paghahandog ng bakuna, may binulong daw na magandang balita si Embahador Huang sa kanya, saad pa ni Duterte.

 

Pero, ayaw ni Duterte i-preempt itong balitang nagbigay ng pag-asa at hahayaan niya na lang ang mga benefactor na isapubliko ito.

 

Ulat: Jade

Pulido: Mac

Espesyal na pasasalamat kay Sissi

Please select the login method