Isasagawa ng Tsina ang pagbubukas sa labas sa mas malawakang saklaw, larangan at antas, at mas mainam na lalahukan ang pandaigdigang kooperasyong pangkabuhayan.
Winika ito ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sa kanyang government work report na inilahad sa seremonya ng pagbubukas ng ika-4 na sesyon ng Ika-13 Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina ngayong araw, Marso 5, 2021.
Winewelkam ni Li ang pagpapalawak ng mga dayuhang mangangalakal ng pamumuhunan sa Tsina, para ibahagi ang bukas na merkado at pagkakataong pangkaunlaran ng bansa.
Saad ni Li, dapat pabutihin at isaayos ang patakaran sa taripa ng pag-aangkat, dagdagan ang pag-aangkat ng de-kalidad na produkto at serbisyo, ayusin ang pamantayan ng pagsingil ng bayad sa mga daungan, ibayo pang paliitin ang foreign investment access negative list, itakda ang negatibong listahan ng transnasyonal na kalakalan ng serbisyo, pasulungin ang patas na kompetisyon ng mga kompanyang Tsino at kompanyang may puhunang dayuhan, at pangalagaan ang lehitimong karapatan at kapakanan ng mga dayuhang kompanya, alinsunod sa batas.
Tinukoy ni Li na dapat buong tatag na pangalagaan ang multilateral na sistema ng kalakalan, pasulungin ang pagkakaroon ng bisa ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) at kasunduan ng Tsina at Europa sa pamumuhunan sa lalong madaling panahon, pabilisin ang proseso ng talastasan sa kasunduan ng Tsina, Hapon at Timog Korea sa malayang kalakalan, at aktibong isaalang-alang ang pagsapi sa Comprehensive and Progressive Agreement for Trans-Pacific Partnership (CPTPP).
Batay sa paggagalangan, pasusulungin aniya ang pag-unlad ng pantay-pantay at may mutuwal na kapakinabangang relasyong pangkabuhaya’t pangkalakalang ng Tsina at Amerika.
Salin: Vera