Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan, ipinagdiwang: Pilipinas at Tsina, kampeon ng pagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng kasarian

2021-03-09 17:13:48  CMG
Share with:

Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan, ipinagdiwang: Pilipinas at Tsina, kampeon ng pagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng kasarian_fororder_VCG211197907007

Sa okasyon ng Buwan ng mga Kababaihan ng Pilipinas at Pandaigdig na Araw ng mga Kababaihan, nais po naming i-alay ang pagbati at pagpupugay sa lahat ng mga kababaihan sa iba’t ibang sektor sa Pilipinas at Tsina at iba pang mga sulok ng daigdig.

 

Kapuwa ang Pilipinas at Tsina ay kampeon ng pagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng kasarian at pangangalaga sa mga karapatan at interes ng mga kababaihan.

 

Mababasa ninyo sa artikulo ang pagsisikap at mga natamong bunga ng dalawang bansa sa usaping pambabae, lalo na sa ilalim ng UN Millennium Development Goals at 2030 UN Sustainable Development Goals. 

 

Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan, ipinagdiwang: Pilipinas at Tsina, kampeon ng pagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng kasarian_fororder_VCG211199724872

 

Mula noong sinaunang panahon, ang mga kababaihan ng mga kaharian, rahanato, at sultanato ng bansang kilala ngayon bilang Pilipinas ay mayroon nang di-mahahalinhang papel sa paghubog ng kaisipan, pamumuhay, at paniniwala sa lipunan.

 

Maraming kilalang akda na tulad ng Sucesos de las Islas Filipinas ni Fray Antonio de Morga; Barangay: Sixteenth Century Philippine Culture and Society ni William Henry Scott; The Inhabitants of the Philippines ni Frederic H. Sawyer, at iba pa, ang nagdedetalye sa mga kahanga-hangang karakter na ginampanan ng mga kababaihang Pilipino sa loob ng daan-daang taon.

 

Sa kontemporaryong panahon, makikitang ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansa sa daigdig na nagpapahalaga sa pagkakapantay-pantay ng mga kababaihan at kalalakihan: patunay riyan ang dalawang babaeng humawak sa pinakamataas na kapangyarihan sa bansa – Corazon Cojuangco Aquino at Gloria Macapagal Arroyo.  

 

Kaugnay nito, taunang ipinagdiriwang kada Marso 8, ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan o International Women’s Day, at sa Pilipinas, ang buong buwan ng Marso ay itinalaga bilang Buwan ng Kababaihan para kilalanin ang kontribusyon ng mga kababaihan sa lipunang Pilipino.

 

Pilipinas, nangunguna sa Asya sa pagkakapantay-pantay ng kasarian 

 

Hinggil dito, ipinahayag ni Kalihim Martin Andanar ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), na patuloy na gumaganap ng mahalagang papel ang mga kababaihan sa lahat ng aspekto ng lipunang Pilipino, lalo na ngayong panahon ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).

 

Aniya, “bagamat ang Pilipinas ay isa sa mga nangungunang bansa sa Asya sa larangan ng pagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng kasarian, na ayon mismo sa Global Gender Gap Report ng World Economic Forum; hindi titigil ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbibigay ng mas maraming karapatan sa mga kababaihan upang bigyan sila ng pantay na akses sa edukasyon, ekonomiya, oportunidad ng pag-unlad, kalusugan, at iba pang pampublikong serbisyo.”

 

Hinimok din ni Andanar ang lahat ng Pilipino na suportahan at makilahok sa mga programa, aktibidad, at mga adbokasiyang nagbibigay kapangyarihan sa mga kababaihan upang mapagtagumpayan ang mga hamong panlipunan tungo sa pag-abot sa sama-samang pag-ahon at pag-unlad.

 

Mga batas tungkol sa mga kababaihan ng Pilipinas

 

Ilan sa mga batas tungkol sa mga kababaihan ay ang mga sumusunod:

 

· Proclamation No. 227, series of 1988 – kumikilala ang natatanging papel ng mga kababaihan, lalo na ng mga babaeng manggagawa sa kasaysayan ng Pilipinas  at nagtatalaga sa buwan ng Marso bilang Buwan ng mga Kababaihan.

 

· Proclamation No. 224, Series of 1988 – nagdeklara ang unang linggo ng Marso kada taon bilang Linggo ng Kababaihan, at ang Marso 8 na Women’s Rights and International Peace Day.

 

· Republic Act 11210 – nagpalawig sa benepisyo ng Maternity Leave mula 60 araw hanggang 105 araw para mapahaba ang panahong makakasama ng isang trabahanteng ina ang kanyang bagong silang na sanggol.

 

· Republic Act No. 6949 – pagdiriwang ng Pambansang Araw ng mga Kababaihan bilang Special Working Holiday sa buong Pilipinas.

 

Pagsisikap ng Tsina sa pagpapasulong ng karapatan ng mga kababaihan

 

Isang kilalang kasabihan sa Tsina ang: “Hawak ng mga kababaihan ang kalahati ng langit.”

 

Ito ay nangangahulugang ang karapatan ng mga kababaihan ay kapantay ng karapatan ng mga kalalakihan.

 

Tulad ng mga kababaihang Pilipino, ang mga kababaihang Tsino ay gumanap at patuloy na gumaganap ng namumunong papel sa paghubog ng kaisipan, pamumuhay, at paniniwala sa lipunang Tsino sa loob ng libu-libong taon.

 

Sa katunayan, noong 690AD-704AD, lumuklok sa trono ang kauna-unahang babaeng emperador sa kasaysayan ng Tsina – si Emperatris Wu Zetian.

 

Samantala, kasabay ng pagdaraos ng Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan, ginaganap din sa Beijing ang taunang sesyon ng punong lehislatura ng Tsina na kung tawagin ay Pambansang Kongresong Bayan (NPC) at kataas-taasang organong tagapayo ng Tsina na tinatawag na Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino (CPPCC).

 

Tungkulin ng mga miyembro NPC at CPPCC na maghain ng mga mosyon at mungkahi upang pagdiskusyunan, at nang sa ganoon ay maipasa bilang batas na makakabuti para sa pambansang kaunlaran.

 

Nitong ilang taong nakalipas, walang humpay na dumarami ang bilang ng mga babaeng miyembro ng NPC at CPPCC, at sila ay katumbas ng mga kongresista at senador ng Pilipinas.

 

Sa panayam sa media, sinabi ni Bb. Liang Qianjuan, miyembro ng NPC na mula sa Longnan, Lalawigang Gansu sa dakong hilagang kanluran ng Tsina, na matagal na siyang nakikisangkot sa industriya ng e-commerce para ipakilala at ipagbili ang mga katutubong produkto sa pamamagitan ng live-streaming.

 

Bunga nito, naisusulong aniya ang hanap-buhay ng mga kababaihan sa kanyang lokalidad, na nagdudulot ng pagtaas ng kita mga mamamayan.

 

Dagdag pa ni Liang, kasabay ng pagpapahigpit ng pakikipag-ugnayan ng Tsina sa iba’t ibang bansa, balak din nilang ipamalas sa mga panauhing Tsino at dayuhan ang ekolohiya, turismo, kaugalian ng lokalidad.

 

Samantala, si Bb. Yang Rong naman ay isa ring miyembro ng NPC, at pulis sa isang komunidad sa Taiyuan, punong lunsod ng Lalawigang Shanxi, Tsina.

 

Bilang kinatawan ng NPC, iminungkahi niya sa kanyang mosyon na itatag ang plataporma para i-ugnay ang pangangailangan ng matatanda at suplay ng mga ampunan ng matatanda.

 

Para rito, maaari aniyang itatag ang pambansang database para mainam na maaruga ang mga matanda at mapabuti ang kalidad ng kanilang pamumuhay.

 

Sa isang banda, nakatutok ang pansin ni Bb. Song Qing, miyembro ng CPPCC sa pangangalaga sa ekolohiya, sa pamamagitan ng batas.

 

Si Song ay dalubhasa sa pag-unlad ng siyudad, mula sa Suzhou University of Science and Technology.

 

Tingin ni Song, kailangang kumpletuhin ang mga mekanismo ng kompensasyon at pagsasanggunian bilang tugon sa kapinsalaan sa kapaligirang ekolohikal.

 

Samantala, sa pagtupad naman ng kanyang tungkulin bilang miyembro ng CPPCC, inihain ni Bb. Yang Yang, Tagapangulo ng Athlete Commission ng 2022 Beijing Olympic Winter Organizing Committee, ang mungkahing may kinalaman sa malusog at sustenableng pag-unlad ng ice sports.

 

Si Yang ang kauna-unahang medalistang ginto ng Tsina sa Winter Olympics.

 

Mungkahi ni Yang, kailangang iwasan ang mga panganib sa paglalaro ng mga ice sports para matiyak ang kaligtasan ng mga sumasali rito.  

Kasabay nito, kailangan din aniyang hikayatin ang mga potensyal na batang atleta upang ituloy ang interes at ensayo sa ice sports.

 

Para rito, nanawagan siyang itatag ang mga magkakasanib na paligsahan sa pagitan ng iba’t ibang may kakayahang siyudad at probinsya.

 

Beijing Declaration and Platform for Action 

 

Samantala, sa pandaigdigang entablado, alinsunod sa 2030 Agenda for Sustainable Development na pinagtibay ng United Nations (UN) noong 2015, ang pagsasakatuparan ng pagkakapantay-pantay ng kasarian ay ang ikalima sa 17 layon ng 2030 UN Sustainable Development Goal (SDG), na kilala rin bilang SDG 5.

 

Nauna rito, idinaos sa Beijing noong 1995 ang Ika-4 na World Conference on Women, kung saan niratipikahan ng 189 na pamahalaan ang Beijing Declaration and Platform for Action, isang makasaysayang roadmap na nagsusulong sa pandaigdigang pagkakapantay-pantay ng kasarian at pagtatanggol sa karapatan ng kababaihan.

 

Ang nasabing roadmap ay binubuo ng 12 kritikal na puntong kinabibilangan ng: (1) kababaihan at kahirapan; (2) edukasyon at pagsasanay ng mga kababaihan (3) kababaihan at kalusugan (4) karahasan laban sa mga kababaihan (5) kababaihan at armadong pakikibaka (6) kababaihan at ekonomiya (7) kababaihang nasa kapangyarihan at paggawa ng desisyon (8) institusyonal na mekanismo (9) karapatang pantao ng mga kababaihan (10) kababaihan at media (11) kababaihan at kapaligiran (12) ang batang babae.

Makalipas ang 20 taon, magkasamang inorganisa ng Tsina at United Nations (UN) noong 2015 ang Global Summit of Women upang muling pasiglahin ang mga gawain tungo sa pagkakapantay-pantay ng kasarian, pag-unlad ngusapin ng kababaihan, at magkakasamang paghakbang para sa maunlad na kinabukasan.

 

Naging matapat ang pamahalaang Tsino sa mga pangako nito, at patuloy na tumatalima sa mga pundamental na pambansang polisiya hinggil sa pagkakapantay-pantay ng kasarian at pag-unlad ng lipunan.

 

Hinggil dito, hanggang 2020, ang labor force participation rate ng mga kababaihang Tsino ay nasa mahigit 60 porsiyento – ito ang nagunguna sa buong mundo.

 

Noong 2018, ang bilang ng mga babaeng empleyado ay umabot sa 340 milyon, at ito ay katumbas ng 43.5 porsiyento ng lahat ng empleyado sa buong bansa.

 

Dagdag pa riyan, walang tigil ding isinusulong ng Tsina ang pantay na akses sa edukasyon.

 

Noong 2018, ang illiteracy rate ng mga babaeng edad 15 anyos pataas ay 7.5 porsiyento na lamang: ito ay bumaba ng 16.6 percentage points mula noong 1995.

 

Sa larangan naman ng kalusugan, ang average life expectancy ng mga babae sa Tsina noong 2015 ay umabot sa 79.4 taon, mas mataas ng 8.9 taon taon kaysa noong 1990.

 

Ang maternal mortality rate ay patuloy na bumababa, mula 61.9 kada 100,000 noong 1995 sa 18.3 kada 100,000 noong 2018.

 

Dahil dito, mas maagang nakamit ang United Nations Millennium Development Goals, na nakatakda sanang maisakatuparan noong 2015.

 

Pero, sa kabila ng lahat ng ito, marami pa rin ang mga kailangang gawin sa usapin ng kababaihan, at tulad ng Pilipinas, batid ng Tsina na kailangan ang patuloy na pagpupunyagi upang mapagtagumpayan ang mga hamon at walang patid na maisulong ang karapatan at interes ng mga kababaihan.

 

Sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan at Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan, kapuwa nagsisikap ang Pilipinas at Tsina upang maisulong ang usapin ng pagkakapantay-pantay ng kasarian, maipagtanggol ang karapatan ng mga kababaihan at makapagdulot ng pag-unlad sa mga mamamayang Pilipino at Tsino.

 

Artikulo: Rhio

Script-edit:Jade/Rhio

Web-edit: Jade/Sarah

Source:Sarah/Rhio/Jade

Larawan: IC/CFP/Jade

Please select the login method