White House, Amerika—Nilagdaan at isinabatas nitong Huwebes, Marso 11, 2021 ni Pangulong Joe Biden ng Amerika ang relief bill na nagkakahalaga ng 1.9 trilyong dolyares.
Saad ni Biden, ang pagsasabatas ng nasabing relief bill ay magkakaloob ng pangunahing puwersa para sa rekonstruksyon ng kabuhayang Amerikano, at magbibigay rin ng pagkakataon para sa pagsigasig ng mga Amerikano.
Kabilang sa mga pangunahing nilalaman ng nasabing relief bill ay pagkakaloob ng 300 dolyares na karagdagang lingguhang federal unemployment benefit; pagpapalawak ng saklaw ng pagbibigay ng unemployment benefit hanggang sa Setyembre 6; paglaan ng halos 350 bilyong dolyares na pondo sa mga pamahalaang pang-estado at lokal; pagkakaloob ng halos 170 bilyong dolyares na pondo para sa muling pagbubukas ng mga paaralan at iba pa.
Ipinalalagay ng tagapag-analisa na ang napakalaking relief bill ay posibleng makatulong sa pagpapabilis ng pagbangon ng kabuhayan ng Amerika, subalit pinapasidhi rin nito ang presyur ng utang ng pamahalaang pederal, at hindi makakabuti ito sa kalusugang piskal.
Salin: Vera
Pulido: Mac