Matapos ang pulong nina Xie Zhenhua, Epsesyal na Sugong Tsino sa Suliranin ng Pagbabago ng Klima; at John Kerry, Espesyal na Sugong Presidensyal ng Amerika hinggil sa Usapin ng Klima, ipinahayag, Linggo, Abril 18, 2021 ng Ministri ng Ekolohiya at Kapaligiran ng Tsina, na ipinangako ng dalawang bansang magkakapit-bisig kasama ng iba pang panig upang magkakasamang harapin ang krisis ng klima at ipatupad ang Paris Agreement.
Ayon pa sa pahayag, nananabik din ang dalawang bansa sa pagdaraos ng virtual summit on climate change na itataguyod ng Amerika mula Abril 22 hanggang 23.
Bukod dito, isasagawa ng Tsina at Amerika, sa malapit na hinaharap ang mga hakbang upang makapagbigay ng ibayo pang ambag sa paglutas sa krisis ng klima.
Bago at matapos ang Ika-26 na Pulong ng UN Climate Change Conference of the Parties (COP26), patuloy na tatalakayin ng Tsina at Amerika ang mga konkretong aksyon sa pagbabawas ng emisyon sa ika-2 dekada ng ika-21 siglo.
Layon nitong isakatuparan ang hangaring limitahan ang pagtaas ng temperatura sa daigdig, na nakatakda sa Paris Agreement.
Sa bandang huli, magkasamang pasusulungin ng dalawang panig ang pagtatagumpay ng Ika-26 na Pulong ng mga Signataryong Panig (COP) ng United Nations (UN) Framework Convention on Climate Change na gaganapin sa Glasgow.
Itataguyod ng Britanya ang Ika-26 na COP sa Glasgow mula Nobyembre 1 hanggang 12 ng kasalukuyang taon.
Salin: Lito
Pulido: Rhio