Nababahala ang Tsina sa kapasiyahan ng Hapon na itapon ang waste water ng Fukushima nuclear plant sa karagatan.
Kaugnay nito, hiniling ng Tsina sa pamahalaang Hapones na magkaroon ng responsableng pakikitungo sa sarili nitong mamamayan at komunidad ng daigdig.
Kailangan ang pakikipagkonsultasyon sa lahat ng panig
Sinabi nitong Linggo, Abril 18, 2021 ng tagapagsalita ng Ministri ng Ekolohiya at Kapaligiran ng Tsina na, sa kabila ng pagtutol ng mga mamamayang Hapones at pagdududa ng komunidad ng daigdig, ginawa ng pamahalaang Hapones ang naturang kapasiyahan nang walang ganap na konsultasyon sa mga kapitbansa.
Wala rin itong ginagawang pagsisikap para gamitin ang lahat ng ligtas na pamamaraan ng paghawak sa waste water, dagdag pa ng tagapagsalitang Tsino.
Samantala, sa panayam ng Xinhua News Agency, opisyal na ahensya ng pagbabalita ng Tsina, hinimok ng tagapagsalitang Tsino ang pamahalaang Hapones na ibayo pang magsagawa ng malalim na pag-aaral at pagsusuri hinggil sa iba’t ibang ligtas na paraan ng paghawak sa naturang nakalalasong materyal.
Kailangan din aniya ng pamahalaang Hapones na komprehensibo at napapanahong ilabas ang mga impormasyon at magbaba ng desisyon makaraang ganap na makipagsanggunian sa lahat ng mga may kinalamang panig.
Pundamental na pagkakaiba ng waste water at liquid effluent
Sinabi pa ng tagapagsalitang Tsino na may pundamental na pagkakaiba sa pagitan ng waste water galing sa Fukushima nuclear plant at liquid effluent mula sa normal na operasyon ng mga nuclear power plant, pagdating sa pinanggagalingan, uri at dami ng radioactive nuclide at kahirapan ng pagpoproseso.
Salin: Jade
Pulido: Rhio