Sa pag-uusap sa telepono nitong Martes, Abril 20, 2021 nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Joko Widodo ng Indonesia, tinukoy ni Xi na sa kabila ng epekto ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), lumaki ang kooperasyong pangkalakalan at pampamumuhunan ng Tsina at Indonesia, bagay na nagpapakita ng malakas na pleksibilidad at napakalaking potensyal ng naturang kooperasyon.
Sinabi ni Xi na dapat patuloy na pasulungin ng dalawang bansa ang mga proyektong pangkooperasyon sa imprastruktura na gaya ng Jakarta-Bandung High-speed Railway; mabuting isagawa ang mga mahalagang proyektong gaya ng Regional Comprehensive Economic Corridor; hubugin ang mga bagong growth point na gaya ng bagong enerhiya, at kooperasyong pandagat; at palakasin ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng digital economy.
Diin ng pangulong Tsino, lubos na pinahahalagahan ng Tsina at Indonesia ang kaligtasan ng buhay at kalusugan ng mga mamamayan, at tinututulan ang “vaccine nationalism.”
Patuloy aniyang makikipagkooperasyon ang Tsina sa Indonesia sa larangan ng bakuna upang magkasamang mapigilan ang “vaccine divide.”
Ipinahayag naman ni Pangulong Widodo na natamo ng Tsina ang napakalaking tagumpay sa iba’t-ibang larangan, lalong lalo na sa aspekto ng pagbabawas ng karalitaan at pagpapaunlad ng kabuhayan.
Ito aniya ay nakakapagbigay ng positibong ambag sa mga bansa sa rehiyong ito na kinabibilangan ng Indonesia.
Pinasalamatan din niya ang ibinibigay na suporta ng Tsina sa Indonesia sa pakikibaka laban sa pandemiya.
Umaasa aniya siyang mapapalakas pa ang pakikipagkooperasyon sa Tsina sa produksyon ng mga bakuna.
Salin: Lito
Pulido: Rhio