Humarap sa preskon nitong Biyernes, ika-30 ng Abril 2021, ang mga manggagawa at empleyado mula sa mga industriya ng paghahabi at photovoltaic sa Rehiyong Awtonomo ng Etnikong Uygur ng Xinjiang, para pabulaanan ang akusasyon ng di-umanong sapilitang pagtatrabaho sa Xinjiang.
Kabilang sa mga ito ay si Alida Turahmat, manggagawa sa isang kompanya ng paggawa ng damit sa Ili Kazakh Autonomous Prefecture sa hilagang Xinjiang.
Ayon kay Alida, nag-aplay siya ng kasalukuyang trabaho matapos makita ang recruitment information sa kanyang nayon, 3 taon ang nakararaan. Nilagdaan aniya niya ang kontrata sa paggawa pagkaraang tanggapin ang trabaho.
Dagdag ni Alida, bilang etnikong minorya, iginagalang ang kanyang mga kaugalian at pananampalataya sa panahon ng pagtatrabaho. Samantala aniya, napabuti ang pamumuhay ng buong pamilya niya, dahil 4,500 yuan RMB ang kanyang buwanang sahod, na mas malaki kaysa kita ng kanyang mga magulang na mga magsasaka.
Bukod dito, sinabi naman ni He Ning, secretary of the Board at Director of Investor Relations ng Xinjiang Daqo New Energy Company, na hindi totoo ang akusasyon ng di-umanong sapilitang pagtatrabaho sa Xinjiang, at hindi makatwiran ang kahilingan sa pagboykot sa mga solar product mula sa Xinjiang batay sa akusasyong ito.
Dagdag ni He, ang pagpapaunlad ng renewable energy na kinabibilangan ng photovoltaic ay komong palagay ng iba’t ibang bansa ng daigdig, at ang panggigipit sa photovoltaic industry ng Xinjiang ay makakapinsala sa pandaigdigang pamilihan.
Editor: Liu Kai