Ang Hepe ng Opon (Huling Bahagi)

2021-05-10 17:04:59  CMG
Share with:

Sa pagdating ni Fernando Magallanes, ang isla ng Mactan ay tahanan ng hindi lamang isa, kundi ilang barangay.

May barangay na kung tawagin ay Bulaia o Bulillla o Buaia, may barangay Opon, at may tatlong iba pang hindi napangalanan sa opisyal na ulat ng bigong ekspedisyon ni Magallanes noong 1521.

Isa sa mga hindi napangalanang barangay ay pinamunuan ni Sula.

Samantala, ang barangay Opon, na nasa gawing timogkanluran ng Mactan ay pinamunuan ni Lapulapu.

Maliban kay Sula, lahat ng mga datu ng Mactan ay kaalyado o napapailalim sa pamumuno ni Lapulapu, kaya siya ang kinikilalang pinakamataas na pinuno ng isla ng Mactan.

Ayon sa matandang alamat ng Opon, may ilang kasamahan si Lapulapu na tulad nina Bali-alho, Kambakilig, Tindok-Bukid [datu ng Maragondon, isang kalapit barangay], Umindig mula sa barangay Ibo, Sagpang Baha o Sampung Baha at Bugto Pasan.

Posibleng sila ay mga kamag-anakan ni Lapulapu.

Ika-500 Anibersaryo ng Tagumpay ng Mactan, ginugunita; mga frontliner laban sa COVID-19, karapat-dapat na tagapamana ng legasiya ni Lapulapu

Sa gitna ng labanan

Ayon sa mga opisyal na tala, kasabay ng pag-abante ng mga kawal Espanyol, walang-tigil nagpapaputok at nagpapakawala ng mga palaso ang kanilang mga musketero at crossbowmen sa loob ng kalahating oras; pero, dahil malayo ang kanilang distansiya sa target (mga 60 yarda), walang masyadong pinsalang natamo ang mga mandirigma ng Mactan.

Hindi tumagos sa mga kahoy na kalasag ang mga bala at palaso ng mga Espanyol.

Bilang ganti, ibinigay ni Lapulapu ang utos upang sumugod.

Maliwanag sa aksyong ito na nais niyang isarado ang distansiya sa pagitan ng kanyang mga mandirigma at kawal Espanyol.

Alam ni Lapulapu na ang pangmalayuang labanan ay hindi makakabuti sa kanyang mga mandirigma, kaya kailangan niyang lumapit upang magamit ang kakayahan at lakas ng kanyang mga tauhan kontra sa kahinaan ng kalaban.

Ani Pigafetta, “sa bahagi ng mga katutubo, ang aming pagpapaputok ay lalo lamang nakapagpasidhi ng kanilang pag-abante habang malakas na sinasambit ang kanilang sigaw pandigma, at nagpabilis ng pagtakbo sa sigsag na paraan hanggang malapitan ang mga kalaban na kanilang pinau-ulanan ng palaso, hinahagisan ng sibat, bato at putik.”

Sa kainitan ng labanan, ipinag-utos ni Magallanes ang pagsunog sa mga kabahayan ng mga mamamayang ng Mactan.

Ayon kay Pigafetta, ang taktikang ito ay lalo lamang nagpagalit sa mga mandirigma ng Mactan.

Aniya, ilang kawal ng Mactan ang tumutok sa 2 kawal Epanyol na nasusunog ng mga kabahayan, at ang nasabing dalawa ay dagliang napatay.

Samantala, ang mga bangkang naiwan na binabantayan ng kawal 11 Espanyol at naglalaman ng mga artileriya na gagamitin sana bilang pangmalayuang taktikal na suporta ay walang saysay dahil masyado silang malayo sa lugar ng labanan.

Ayon sa tala ni Fernando Oliviera, “...hanggat mayroon kaming pulbura, hindi kami malapitan ng mga mandirigma ng Mactan, pero nang maubos ito, pinalibutan nila kami sa lahat ng dako; at dahil mas marami sila sa amin, sila ang nanalo, at hindi naipagtanggol ng marami sa aming kawal  ang sarili at hindi rin nakatakas, at lumaban sila hanggang mahapo…”

Sa madaling salita, nagawang makuha ng mga tauhan ni Lapulapu ang mga bangka at mapatay ang ilang kawal Espanyol.

Dagdag pa riyan, sinabi ni Correa na, “Napakatuso ng mga mandirigma ng Mactan at nagposisyon sila ng mga tauhan sa mga damuhan. Nang makita nilang hapung-hapo na ang mga kawal Espanyol, tinambangan nila ang mga ito at marami ang napatay.  Samantala, isa pang grupo ang umahon mula sa damuhan at bumihag sa mga bangkang nasa malapit sa dalampasigan, na walang bantay.”

Maliwanag sa tagpong ito na matagumpay na naisara ni Lapulapu ang distansiya sa pagitan ng kanyang mga mandirigma at kawal Espanyol.

Sa tagpong ito makikita ang pagkadalubhasa ni Lapulapu sa estratehiya ng pakikidigma at superyor na kakayahan ng kanyang mga tauhan sa malapitang labanan. 

 

Saklolo mula kay Humabon

Nang nakita ni Humabon kung ano ang nangyayari, napagpasiyahan niyang tulungan ang mga kaalyadong Espanyol.

Sabi ni Correa, “... tapos, lumabas ang hari [Humabon], nilabanan niya sila [mandirigma ng Mactan] at ipinagtanggol ang aming mga bangka at napalayas ang nasabing mga tauhan [tauhan ni Lapulapu].”

Sa kabila nito, hindi natinag ang detreminasyon at taktika ng mga taga-Mactan.

Hinati nila ang kanilang puwersa sa tatlong bahagi: 2 grupo ang sumalakay sa magkabilang gilid, at ang isa pa ay umabante mula sa gitna.

Ayon sa lahat ng ito, hindi lamang 60 Espanyol ang nakalaban ng mga 1,500 mandirigma ni Lapulapu, dahil kapanalig ng mga Espanyol ang mga 1,000 mandirigma ni Humabon.

Maliwanag na pagdating sa bilang ng mga kawal, kaunti lang ang lamang ni Lapulapu, pero pagdating naman sa armamento, malaki ang kalamangan ni Magallanes.

Samantala, batid ng mga taga-Mactan ang mahinang bahagi ng baluti ng mga Espanyol, sa may bandang hita, kaya naman dito nila tinutok ang pag-atake.

Isang partikular na sandata ng Kabisayan sa panahong iyon ay ang may-lasong palaso, at isa sa mga palasong ito ang tumama sa hita ani Magallanes.

Dahil dito, napilitan niyang ipag-utos ang dahan-dahang pag-atras.

Pero, dahil sa kakulangan sa karanasan sa labanan, magulo at biglaang nagsipag-atrasan ang mga Espanyol at kanilang mga kapanalig, at 6 hanggang 8 kawal lamang ang naiwang nagpoprotekta kay Magallanes.

Habang paika-ika si Magallanes sa dalampasigan, tuloy naman sa pagsugod ang mga mandirigma ng Mactan, habang maraming beses na inihahagis ang mga sibat.

Habang lumalapit ang distansya sa pagitan ng mga tauhan ni Lapulapu at Magallanes, sa mga, “... isang tira ng crossbow mula sa dalampasigan, o di-kukulangin sa isang kilometro mula sa mga bangka, habang mababaw pa rin ang tubig hanggang tuhod, napagpasiyahan ni Magallanes na manatili sa kanyang posisyon at huwag nang umatras,” salaysay ni Pigafetta.

 

Pagkamatay ni Magallanes

Maraming bersyon ang pagkamatay ni Magallanes, ayon sa iba’t-iba manunulat.

Ayon kay Pigafetta, “Sa pamamagitan ng kawayang sibat, natamaan ng isang katutubo ang kapitan [Magallanes] sa mukha, pero, bago siya makagawa pa ng panibagong sugat, dagliang pinaslang ni Magallanes ang nasabing katutubo sa pamamagitan ng pagtusok ng isang lance sa kanyang dibdib, na nanatiling nakabaon doon. [Samantala], habang sinusubukang bunutin ni Magallanes ang kanyang espada, isa pang kawayang sibat ang tumama sa kanyang kanang braso, isang senyal para sa mga katutubo upang sabay-sabay na sumugod. Kahit dinudugo, sinubukan pa rin ni Magallanes na salagin-pailag ang mga tira ng kalaban gamit ang espadang kalahati lamang na nakabunot. Pero, isang scimitar [malamang Kampilan] ang tumama sa kanyang kaliwang hita, na nagresulta sa kanyang pagkadapa, isa muling senyal para sa mga mandirigma ng Mactan upang siya ay pagtutusukin ng mga sibat, pagtatagain gamit ang mga Kampilan at Kris, at salakayin gamit ang lahat ng mga sandatang mayroon sila.”

Sa kabilang dako, sa kanyang opisyal na ulat, Hunyo 4, 1529, makaraang makabalik sa Espanya, sinabi ni Nicolas de Napoles na, “habang siya ay lumalaban sa tabi ni Magallanes, nakita niyang tinamaan ito ng isang palaso, at tumagos sa kanyang lalamunan ang isang mahabang sibat o lance.”

Sa ulat naman ng tagatalang si Antonio de Herrera, dahil sa tama ng bato, natanggal at nahulog ang baluti sa ulot ni Magallanes, at dahil mayroon na siyang sugat sa hita, mabagal na siyang kumilos at naging madali para sa mga mandirigma ng Mactan para siya ay kuyugin, habang pinupukpok ang kanyang ulo gamit ang mga bato, na naging dahilan upang siya ay bumagsak. Habang nasa ibaba, siya ay pinagtutusok ng mga mahahabang sibat o lance.

Kung ating ibabase sa sentido-komon at analisasyon ng nasabing mga tala, lumilitaw na pinakamalapit sa katotohanan ang sinabi ni Nicolas de Napoles dahil siya ang nasa tabi ni Magallanes sa panahon ng kanyang kamatayan.

Dagdag diyan, base sa mga sandata at kakayahan sa pakikipaglaban ng mga tauhan ni Lapulapu, malaki ang posibilidad na totoong namatay si Magallanes sa pamamagitan ng tama ng palaso at pagtagos sa kanyang lalamunan ng isang mahabang sibat.

Sa pagkamatay ni Magallanes, dagliang umatras patungo sa mga bangka ang mga buhay pang sundalong Espanyol at iba pang tauhan ni Humabon, at iniwan ang walang buhay na katawan ni Magallanes sa kamay ng mga mandirigma ng Mactan.

 

Mga kasuwalti

Sa ulat ni Pigafetta, “Kasamang namatay ni Magallanes ang walong iba pang kawal, at apat na katutubong mandirigma na yumakap sa Katolisismo, at napakarami ang sugatan, kabilang na ako.”

Si Pigafetta ay tinamaan ng may-lasong palaso sa bandang noo,   na kalaunan ay namaga at naging napaka-sakit.

Maliban kay Magallanes, ang mga namatay ay sina: Cristobal de Rabelo, alalay ni Magallanes at kapitan ng barkong Victoria; Francisco de Espinosa, manlalayag; Juan de Torres, kawal; Rodrigo Nieto; Anton Gallego, cabin boy; Pedro, tagapagsilbi ng Alguacil; at Gonzalo de Espinosa.  

Matapos ang dalawang araw, isa pang sundalo ang namatay na nagngangalang Anton de Escobar.

Sa parte ni Lapulapu, sinabi ni Pigafetta na 15 ang nasawi at 24 ang sugatan.

Pero, ang nakakapagtaka, paano nalaman ni Pigafetta ang bilang ng mga namatay at sugatan sa mga mandirigma ni Lapulapu?

Wala naman sigurong mula sa kampo ni Lapulapu na magsasabi ng ganitong klase ng impormasyong kay Pigafetta; at kung mayroon man siyang nasagap na kaalaman hinggil dito, malaking posibilidad na hindi ito tumpak.

 

Sa gitna ng labanan, nasaan si Lapulapu?

Ang husay ni Lapulapu sa estratehiya ng pakikidigma, at walang-katulad na giting at kaalaman ng mga mandirigma ng Mactan ay walang dudang gumanap ng napakahalagang papel sa tagumpay laban sa mga Espanyol.

Samantala, ang kamatayan ni Magallanes ay yumanig sa mismong pundasyon ng imperyo ng Espanya, at lumikha ng mga nagkakaibang ideya sa mga nakapag-aral at pantas na Europeo.

Ito rin ay naging sanhi ng paglipat ng balanse ng kapangyarihan sa rehiyon ng Visayas, at dumurog sa pagyayabang ng mga Espanyol na sila ay superyor kumpara sa mga katutubo ng bansang ngayon ay kilala bilang Pilipinas.

Pero, ang pinakamalaking katanungan: nasaan si Lapulapu habang nangyayari ang labanan?

Ayon kay Danilo Madrid Gerona, dahil sa hinog niyang edad, hindi kasali si Lapulapu  sa pisikal na paglalaban.

Sa halip, siya ang naging utak at nagplano ng lahat ng taktikal na estratehiya mula sa isang ligtas na lugar.

Ang eksplanasyong ito, ani Gerona ay ang pinakalohikal, dahil walang anumang banggit tungkol kay Lapulapu sa kahit anumang historikal na dokumento tungkol sa labanan.

Magkagayunman, si Lapulapu ang humawak ng susi at gumanap ng sentral na papel sa tagumpay ng Labanan ng Mactan – siya ang henyo ng estratehiyang militar sa likod ng pagkagupo ng Armada de Maluco ng Espanya.


May-akda: Rhio M. Zablan

Please select the login method