Ayon sa mga datos ng ika-7 national census na inilabas ngayong araw, Mayo 11, 2021, ng Pambansang Kawanihan ng Estadistika ng Tsina, ang populasyon sa Chinese mainland ay umabot sa mahigit 1.41 bilyon noong 2020.
Ang bilang na ito ay mas malaki ng 5.38% kaysa sa populasyon noong 2010, kung kalian isinagawa ang nagdaang national census.
Base rito, ang karaniwang taunang paglaki ng populasyon sa Chinese mainland nitong sampung taong nakalipas ay 0.53%, na mas maliit ng 0.04% kumpara mula taong 2000 hanggang 2010.
Ipinakikita rin nito ang tunguhin ng mabagal na paglaki ng populasyon ng Tsina.
Ayon pa rin sa mga datos, ang bilang ng mga Tsino na nasa edad 60 anyos pataas ay 264.02 milyon noong 2020, at ito ay katumbas ng 18.7% ng kabuuang populasyon.
Mas mataas itong 5.44% kumpara sa proporsiyon noong 2010.
Samantala, umabot naman sa 253.38 milyon noong 2020 ang bilang ng mga Tsinong nasa edad mula 0 hanggang 14 anyos, at ang proporsiyon nito sa kabuuang populasyon ay 17.95%, na mas mataas ng 1.35% kumpara noong 2010.
Maliban diyan, ipinakikita rin ng mga datos, na nagkaroon ng 4.93% na paglaki ang populasyon ng nasyonalidad na Han kumpara noong 2010.
Samantala, mas mabilis naman ang paglaki ng populasyon ng mga minoryang nasyonalidad sa bansa na umabot sa 10.26%.
Ito ay patunay sa komprehensibong pag-unlad ng iba't ibang nasyonalidad sa Tsina.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan