Ipinadala kamakailan ng opisyal ng Ministri ng Dagat at Produktong Patubig ng Timog Korea ang mensahe sa Pangkalahatang Kalihim ng International Maritime Organization (IMO) na nagsasabing sa kalagayan ng walang anumang pakikipagsanggunian sa Timog Korea, unilateral na ipinasiya ng Hapon na itapon sa dagat ang nuclear wastewater ng Fukushima Nuclear Power Plant na posibleng magdulot ng napakalaking pinsala sa kaligtasan ng mga kapitbansa at dagat.
Ipinahayag nitong Mayo 17, 2021 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pagkaunawa at pagsuporta ng panig Tsino sa nasabing posisyon ng Timog Korea.
Sinabi ni Zhao na tungkol sa nasabing kapasiyahan ng Hapon, nagbibingi-bingihan at binabalewala ng pamahalaang Hapones ang tinig-protesta mula sa mga pamahalaan, organisasyong pandaigdig, samahan ng pangangalaga sa kapaligiran, at mga mamamayan ng iba’t-ibang bansa, at wala itong inilabas na anumang direktang reaksyon sa grabeng pagkabahala ng komunidad ng daigdig.
Diin pa niya, dapat tumpak na pakitunguhan ng pamahalaang Hapones ang sariling responsibilidad.
Salin: Lito
Pulido: Mac