Bilang tugon sa pansamantalang pagtigil ng lahat ng mga aktibidad sa ilalim ng mekanismo ng estratehikong diyalogong ekonomiko ng Tsina at Australia, sinabi Martes, Mayo 18, 2021 ni Jin Xiandong, Tagapagsalita ng Pambansang Komisyon sa Pag-unlad at Reporma ng Tsina, na dapat akuin ng panig Australian ang lahat ng pananagutan dito.
Saad ni Jin, ang nasabing mekanismo ay mahalagang mekanismo sa ilalim ng regular na pagtatagpo ng mga punong ministro ng dalawang bansa, at nagpatingkad ito ng positibong papel para sa pagpapalakas ng ugnayang ekonomiko ng kapuwa panig.
Dagdag niya, isinagawa kamakailan ng pamahalaang pederal ng Australia ang walang katwirang paghadlang at pagsikil sa mga proyekto ng kooperasyon sa pamumuhunan at kalakalan ng dalawang bansa at mga umiiral na bunga, bagay na nakakapinsala sa pagtitiwalaan ng dalawang bansa, at nakakaapekto rin sa kompiyansa ng mga kompanya sa pagsasagawa ng kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan.
Hinimok niya ang panig Australian na itigil ang maling aksyong humahadlang sa kooperasyon sa pamumuhunan at kalakalan ng magkabilang panig.
Salin: Vera
Pulido: Mac