Nanawagan kamakailan si Innes Willox, Punong Ekekutibo ng Australian Industry Group na dapat pahupain ang maigting na relasyon ng Australya at Tsina sa pamamagitan ng rasyonal na talastasan at diplomatikong paraan.
Aniya, kailangang buong sikap na samantalahin ng sirkulong industriyal at komersyal ng Australya ang pakikipag-ugnayan sa Tsina para maiwasan ang paglala ng maigting na relasyon ng dalawang bansa.
Kaugnay nito, tinukoy Mayo 18, 2021 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na nitong ilang araw na nakalipas, madalas isinasagawa ng pamahalaang Australyano ang mga probokatibo at komprontasyonal na pananalita at kilos hinggil sa mga isyung may kaugnayan sa nukleong kapakanan at malaking pagkabahala ng Tsina, bagay na grabeng nakakapinsala sa pagtitiwalaang pulitikal at pundasyong pangkooperasyon ng dalawang bansa.
Ipinahayag din ni Zhao ang pag-asa ng panig Tsino na papakinggan ng pamahalaang Australyano ang rasyonal na tinig para gumawa ng mas maraming bagay na makakabuti sa pagtitiwalaan at kooperasyong Sino-Australyano, at diwa ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Salin: Lito
Pulido: Rhio