Mungkahi para sa BRICS cooperation, iniharap ni Wang Yi

2021-06-02 10:48:32  CMG
Share with:

Sa kanyang pagdalo Martes, Hunyo 1, 2021 sa virtual meeting ng mga ministrong panlabas ng mga bansang Brazil, Rusya, India, Tsina, at Timog Aprika (BRICS), ipinahayag ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na sa harap ng pabagu-bagong situwasyon at pagkalat ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), dapat isabalikat ng mga bansang BRICS ang kanilang responsibilidad para mapasulong ang pagkakaisang pandaigdig, ipagkaloob ang katalinuhang BRICS sa paglutas ng governance deficit, at makapagbigay ng ambag sa pagharap sa komong hamon.

Kaugnay nito, tinukoy ni Wang na dapat pasulungin ng mga bansang BRICS ang pagkakaisang pandaigdig sa paglaban sa pandemiya, pabilisin ang konstruksyon ng sentro ng BRICS sa pananaliksik ng bakuna, at katigan ang paglilipat ng teknolohiya ng vaccine enterprises sa iba pang mga umuunlad na bansa upang magkaloob ng bagong suporta sa pagpawi sa “vaccine divide” sa daigdig.

Dagdag pa riyan, kailangan din aniyang ipatupad ang tunay na multilateralismo, palakasin ang sistemang pandaigdig kung saan, ang United Nations (UN) ay nukleo, at pangalagaan ang kaayusang pandaigdig sa pundasyon ng pandaigdigang batas.  

Bukod dito, dapat aniyang tulungan ang pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig, aktibong palawakin ang modelong pangkooperasyon na “BRICS+,” at palakasin ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga umuunlad na bansa.

Sa kanilang pagpupulong, tinukoy ng mga kalahok na ministrong panlabas, na sinisira ng pagsasapulitika ng pandemiya ang pundasyon ng sistemang multilateral.

Kaya, nanawagan sila na nararapat palakasin ang BRICS cooperation sa paglaban sa pandemiya, at inulit ang matatag na pangako sa multilateralismo.

Ang pulong ay pinanguluhan ni Subrahmanyam Jaishankar, Ministrong Panlabas ng India, kasalukuyang bansang tagapangulo ng BRICS.


Salin: Lito
Pulido: Rhio

Please select the login method