Inilabas nitong Lunes, Hunyo 7, 2021 ng Pangkalahatang Administrasyon ng Adwana ng Tsina ang pinakahuling datos ng pag-aangkat at pagluluwas ng bansa.
Ipinakikita ng datos na mula Enero hanggang Mayo 2021, umabot sa 14.76 trilyong yuan RMB (mga $US 2.31 trilyong dolyares) ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng paninda ng Tsina, at ito ay lumago ng 28.2% kumpara sa gayun ding panahon ng tinalikdang taon.
Kabilang dito, mahigit 8 trilyong yuan ang pagluluwas, na lumaki ng mahigit 30%; 6.72 trilyong yuan naman ang pag-aangkat, na lumaki ng 25.9%.
Hanggang nagdaang Mayo, patuloy na lumago ang pag-aangkat at pagluluwas nitong nakalipas na 12 buwang singkad.
Ang matatag at mabisang pagbangon ng kalakalang panlabas ng Tsina ay nagbigay ng suporta at nagdulot ng kompiyansa sa pagbangon ng kabuhayang pandaigdig.
Ito ay sanhi ng mabisang pagpigil at pagkontrol ng Tsina sa pandemiya, at magkakasamang pagsisikap ng pamahalaan, mga industriya at kompanya sa pagpapanumbalik ng trabaho’t produksyon.
Bukod dito, ang tuluy-tuloy na pagbangon ng kalakalang panlabas ng bansa ay may di-maihihiwalay na ugnayan sa paglawak ng pagbabakuna ng iba’t ibang bansa, at pagpapanumbalik ng pangangailangang pandaigdig.
Kahit tuluy-tuloy na bumubuti ang kalagayan ng kalakalang panlabas ng bansa, hindi dapat balewalain na nananatiling matindi pa rin ang kalagayan ng pandemiya sa buong mundo, at nangingibabaw pa rin ang banta sa prospek ng kalakalang pandaigdig.
Samantala, ang mga heopolitikong elemento ay humahadlang din sa pag-unlad ng kalakalang panlabas.
Sa harap ng mga di-tiyak na elemento, patuloy na kakatigan ng Tsina ang globalisasyon at multilateralismo, sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon, patitingkarin ang sariling papel sa global industry chain at supply chain, at ipagkakaloob ang mas maraming tiyak na elemento sa pagbangon ng kabuhaya’t kalakalan ng daigdig.
Salin: Vera
Pulido: Rhio