Sa pamamagitan ng video link at sa paanyaya ng kanyang Italian counterpart na si Luigi Di Maio, dadalo Martes, Hunyo 29, 2021 si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, sa pulong ng mga ministrong panlabas ng G20.
Kaugnay nito, isinalaysay Lunes ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina na sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan, napakahalaga ng pagpapatupad ng multilateralismo, at pagpapasulong sa pagkumpleto ng pandaigdigang pangangasiwang pangkabuhayan.
Aniya, bilang pangunahing porum sa pandaigdigang kooperasyong pangkabuhayan, dapat patingkarin ng G20 ang mas malaking namumunong papel, sa aspekto ng pagpapasulong sa paglaban ng buong mundo sa pandemiya, at pagbangon ng kabuhayan.
Dagdag niya, umaasa ang panig Tsino na sa pamamagitan ng nasabing pulong, mapapalakas ang pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang panig, mailalatag ang pundasyon para sa pagtatagumpay ng Rome Summit, mapapalakas ang kompiyansa at mapapasigla ang lakas-panulak para sa pagtatagumpay ng daigdig laban sa pandemiya sa lalong madaling panahon, at maisasakatuparan ang matatag na pagbangon ng kabuhayan.
Salin: Vera
Pulido: Rhio