Lujiazui financial hub sa Shanghai, Tsina.
Ipinagdiinan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang kahalagahan ng pagpapabilis ng pagtatatag ng bagong modelong pangkaunlaran ng bansa.
Winika ito ni Xi sa kanyang pangungulo sa Ika-20 Pulong ng Komite Sentral para sa Pagpapalalim ng Pangkalahatang Reporma, nitong Biyernes, Hulyo 9, 2021.
Nagsisilbi rin si Xi bilang Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
Isang patnubay o guideline hinggil sa pagpapabilis ng pagtatatag ng bagong paradaym na pangkaunlaran ng Tsina ang pinagtibay sa naturang pulong.
Ang bagong paradaym na pangkaunlaran na nagtatampok sa “dual circulation” ay unang inilabas ng Tsina noong Mayo, 2020.
Batay sa “dual circulation,” pasususlsungin ng isa’t isa ang merkadong panloob ng Tsina at pamilihang panlabas nito, samantala ang merkadong panloob ay nagsisilbing pangunahing sandigan o mainstay. Ang ideyang ito ay nagiging mahalagang pakay ng planong pangkaunlaran ng bansa.
Kinilala ng pulong ang mainam na pagsimula ng pagtatatag ng bagong modelong pangkaunlaran. Pinagtuunan din ng pulong ng pansin ang pagsisikap para mapasulong ang pagsasarili sa sisyensiya’t teknolohiya, mapalawak ang pangangailangang panloob, mapalakas ang berdeng pag-unlad, at mapabuti ang pamumuhay ng mga mamamayan.
Qinghai Lake sa Qinghai Province,Tsina.
Bukod sa naturang guideline, sinuri at pinagtibay rin sa pulong ang iba pang mga dokumento. Kabilang dito ang Mga Hakbangin ng Reporma’t Inobasyon sa Pagpapasilita ng Kalakalan at Pamumuhunan sa Pilot Free Trade Zones (FTZ), Plano ng Aksyon sa Pagpapasulong ng Seed Industry, at Plano sa Proteksyong Ekolohikal at Pangkapaligiran at Sustenableng Pag-unlad sa Qinghai-Tibet Plateau.
Salin: Jade
Pulido: Mac