Sa kanyang pakikipagtagpo nitong Miyerkules, Hulyo 14 (local time) sa Dushanbe kay Shah Mahmood Qureshi, Ministrong Panlabas ng Pakistan, ipinahayag ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina ang pagkabigla sa insidenteng naganap nang araw ring iyon sa Pakistan na nagbunsod ng malaking kasuwalti sa mga tauhang Tsino.
Umaasa si Wang na mabilis na iimbestigahan at aalamin ang sanhi ng nasabing insidente, buong sikap na ililigtas ang mga sugatan, at agarang pabubutihin ang mga gawain pagkatapos ng insidente para maiwasan ang muling pagkaganap ng ganitong pangyayari.
Diin pa niya, dapat pulutin ang aral mula sa nasabing insidente at ibayo pang palakasin ang garantiyang panseguridad sa mga proyektong pangkooperasyon ng Tsina at Pakistan upang mabuting maisagawa ang lahat ng proyektong pangkooperasyon ng kapwa panig.
Sa ngalan ng pamahalaan at mga mamamayang Pakistani, ipinaabot naman ni Qureshi ang taos-pusong pakikiramay sa panig Tsino.
Ipinahayag niya na puspusang ililigtas ang mga sugatan, lubos na palalabasin ang katotohanan sa likod ng insidente, at buong sikap na igagarantiya ang kaligtasan ng mga tauhang Tsino sa Pakistan.
Salin: Lito
Pulido: Rhio