Beijing – Sa pamamagitan ng video link, dumalo at nagtalumpati, Hulyo 14, 2021 si Kalihim Martin Andanar ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa ASEAN Media Partners Forum na itinaguyod ng China Media Group (CMG).
Ani Andanar, ipinapakita ng nasabing porum ang napakahalaga at di-mapapalitang papel ng media sa pagtatayo at pagpapa-unlad ng mga komunidad at bansa sa rehiyon.
Sa pamamagitan ng ASEAN Media Partners Forum, “walang tigil na naitatayo ng mga kalahok na bansa ang mas dibersipikadong paraan upang lalong mapalalim ang kanilang kaalaman, pagkaunawa at pagpapasulong ng kooperasyong pang-media sa gitna ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19),” dagdag niya.
Sinabi pa niyang dahil sa porum, nabubuo ang isang unipikado at nakabase sa prinsipyong paraan tungo sa pagpapa-unlad ng buong rehiyon, kasabay ng paggunita sa ikatlumpung taong anibersaryo ng pagkakatatag ng ASEAN-China Dialogue Partnership.
Kaugnay nito, mariing ipinahayag ni Andanar, na sa pamamagitan ng PCOO, pinapanatili ng Republika ng Pilipinas ang matibay na pananangan at dedikasyon na lalo pang palakasin at palawakin ang ugnayan sa ibat-ibang rehiyonal na katuwang at iba pang institusyong pang-media.
Ipinapanata rin aniya ng PCOO na itutuloy at igagalang ang mga rehiyonal na kompromiso nito sa larangan ng kooperasyong pang-media at komunikasyon sa gitna ng pandaigdigang krisis pangkalusugan.
Ipinahayag ni Andanar ang pasasalamat sa CMG sa pagkakataong inihain nito sa PCOO upang makalahok sa ASEAN Media Partners Forum.
Aniya, ang matatag na partnership ng PCOO at CMG ay ang naging dahilan sa pagbubukas ng maraming oportunidad tungo sa produktibong pagpapalitan ng kaalaman at karanasang nagresulta sa malaking pag-unlad ng kapabilidad ng media ng Pilipinas sa larangan ng pagsasahimpapawid ng mga napapanahon at mahalagang impormasyon para sa mga Pilipino at buong mundo.
Sa temang“Kooperasyon ng Media at Pagtutulungang Panrehiyon,” ang 2021 ASEAN Media Partners Forum ay isang pagdiriwang na may kaugnayan sa ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong pandiyalogo ng Tsina’t ASEAN sa taong ito.
Kabilang sa mga aktibidad sa nasabing porum ay ang paglabas ng magkasanib na pahayag ng CMG at ASEAN Media Partners nito, na naglalayong palakasin ang kooperasyon sa pagpapalitan ng mga balita at materyales, magkasamang produksyon, magkasabay na pagtangkilik ng mga aktibidad, pagtutulungan laban sa COVID-19, at pasulungin ang kasaganaan ng Tsina’t ASEAN.
Bukod dito, idinaos din ang seremonya ng paglulunsad ng 2021 Lancang-Mekong Mobile Cinema at dokumentaryong pinamagatang “Amazing Southeast Asia.”
Kasabay nito, nilagdaan ng CCTV Video News Agency (CCTV+) ng CMG, kasama ng Vietnam News Agency at Vietnam Rural TV ng Voice of Vietnam ang kasunduang magbabahagi sa programang AgriToday sa naturang dalawang media partner na Biyetnames.
Ang AgriToday ay nagtatampok sa nangungunang teknolohiya at pinakahuling impormasyong pang-agrikultura ng Tsina.
Dagdag pa riyan, ginanap din ang isang online panel discussion, kung saan tinalakay ng mga kinatawan mula sa mga media organization ng Tsina’t ASEAN ang mga paksang gaya ng paglaban sa pekeng balita at pagkiling ng media.
Bukod kay Andanar, dumalo sa porum si Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, kasama ng iba pang mga 100 panauhin mula sa mahigit 30 media at iba pang organisasyon.
Ulat: Rhio Zablan
Content-Edit: Jade
Web-edit: Jade/Sarah
Video: PCOO/CCTV+/Liu Kai