Bilang pagdiriwang sa ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong pandiyalogo ng Tsina’t Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa taong ito, itinaguyod ng China Media Group (CMG) ang pagdaraos sa Beijing ng 2021 ASEAN Media Partners Forum, Miyerkules, Hulyo 14, 2021.
Sa ngalan ng Pilipinas, lumahok sa naturang porum sina Martin Andanar, Kalihim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), at Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, kasama ng iba pang mga 100 panauhin mula sa mahigit 30 media at organisasyon.
Sa ilalim ng temang “Kooperasyon ng Media at Pagtutulungang Panrehiyon,” inilabas ng CMG at mga ASEAN media partners nito ang magkasanib na pahayag para mapalakas ang kooperasyon sa pagpapalitan ng mga balita at materyales, magkasamang produksyon, magkasabay na pagtangkilik ng mga aktibidad, at pagtutulungan laban sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Layon nitong pasulungin ang kasaganaan ng Tsina’t ASEAN.
Sa kanyang pambungad na talumpati, sinabi ni Shen Haixiong, Presidente at Editor-in-Chief ng CMG, na nitong tatlong dekada sapul nang itatag ang dialogue relations ng Tsina’t ASEAN, di-mahahalinhang papel sa pagpapasulong ng matatag at sustenableng pag-unlad ng ugnayang Sino-ASEAN ang ginaganap ng media.
Ani Shen, nitong ilang taong nakalipas, bunga ng multi-dimensyonal at multi-lebel na pagpapalitan at pagtutulungan ng CMG at mga counterpart na ASEAN, napapasulong ang pag-uunawaan at pagtitiwalaan ng mga mamamayang Sino-ASEAN.
Umaasa siyang patuloy na i-u-ulat ng CMG, kasama ng mas maraming ASEAN partner ang mga istorya hinggil sa Tsina, istorya hinggil sa ASEAN, at istorya hinggil sa pagpapalitan at pagtutulungang Sino-ASEAN, sa pamamaraang obdyektibo at makatotohanan.
Sa kanya namang talumpati, kinilala ni Kalihim Andanar ang CMG bilang maaasahang media partner ng PCOO.
Aniya, ang porum ay naglatag ng nagkakaibang paraan para sa mga kalahok upang mapalalim ang kanilang karunungan at pag-uunawaan, at mapasulong ang kooperasyon ng mga media sa gitna ng pandemiya ng COVID-19.
Samantala, sa kanyang hiwalay na mensaheng pambati, ipinahayag ni Embahador Sta. Romana ang pag-asang gaganap ng mas matingkad na papel ang media para mapasulong ang pagpapalitan at pag-uunawaan sa pagitan ng mga mamamayan ng ASEAN at Tsina.
Bumigkas din ng talumpati sina Tham Loke Kheng, Chief Executive Officer ng Mediacorp ng Singapore; Alex Yeow Wai Siaw, Chief Executive Officer ng Star Media Group ng Malaysia; at Chen Dehai, Secretary-General of ASEAN-China Centre.
Bukod dito, ipinarating din ng mga embahador ng Indonesia, Malaysia, Thailand, at Vietnam ang kani-kanilang mensaheng pambati.
Sa porum, idinaos din ang seremonya ng paglulunsad ng 2021 Lancang-Mekong Mobile Cinema at dokumentaryong pinamagatang“Amazing Southeast Asia.”
Kasabay nito, nilagdaan ng CCTV Video News Agency (CCTV+), kasama ng Vietnam News Agency at Vietnam Rural TV ng Voice of Vietnam ang kasunduang magbabahagi sa programang AgriToday sa naturang dalawang media partner na Biyetnames.
Ang AgriToday ay nagtatampok sa nangungunang teknolohiya at pinakahuling impormasyong pang-agrikultura ng Tsina.
Sa huling bahagi, idinaos ang online panel discussion, kung saan tinalakay ng mga kinatawan mula sa mga media organization ng Tsina’t ASEAN ang mga paksa na gaya ng paglaban sa pekeng balita at pagkiling ng media.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
500 milyong bakuna kontra COVID-19, ipinagkaloob ng Tsina sa komunidad ng daigdig
Pangulong Duterte: Tsina, kaibigan at katuwang para sa kapayapaan at kaunlaran
Pangulong Tsino, nakikidalamhati sa trahedya ng bumagsak na eroplanong militar ng Pilipinas
PCOO: Pasusulungin ang kooperasyon ng media ng Pilipinas at Tsina
Makatotohanan at responsableng pagpapalaganap ng impormasyon at komunikasyon, isinusulong ng PCOO