Tsina, susuportahan ang Pakistan sa paglaban sa terorismo

2021-07-20 11:25:08  CMG
Share with:

Nang isalaysay nitong Lunes, Hulyo 19, 2021 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina ang progreso ng imbestigasyon sa insidente ng pagsabog ng isang commuter bus na may sakay na mga Tsino sa Pakistan, ipinahayag niya na patuloy at buong tatag na sususportahan ng panig Tsino ang ginagawang pagsisikap ng panig Pakistani sa paglaban sa terorismo upang totohanang maigarantiya ang kaligtasan ng mga tauhan at organong Tsino sa Pakistan.

Noong Hulyo 14, naganap ang pagsabog ng isang shuttle vehicle ng Dasu Hydropower Project sa Upper Kohistan district ng Khyber Pakhtunkhwa Province ng Pakistan na dulot ng pagtagas ng gasolina, at bumagsak ito sa ilog. Ang proyektong ito ay pinangangasiwaan ng isang kompanyang Tsino.

Maraming tauhang Tsino at Pakistani ang nasawi o nasugatan sa nasabing insidente. Hanggang ngayon, walang anumang organisasyon o indibiduwal ang umako ng pananagutan sa insidenteng ito.

Kaugnay nito, sinabi ni Zhao na lubos na sinusubaybayan at mahigpit na kinokondena ng panig Tsino ang naturang insidente.

Aniya, kasalukuyang mahigpit na nakikipagtulungan sa panig Pakistani ang cross-departmental joint working group ng panig Tsino para linawin ang katotohanan ng insidente at bigyang-parusa ang may kagagawan.


Salin: Lito
Pulido: Mac

Please select the login method