Bilang paggunita sa ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong pandiyalogo ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), isang simposyum ang ginanap nitong Miyerkules, Hulyo 28, 2021 sa Beijing, kabisera ng Tsina.
Matatandaang dumalo, noong Hulyo 19, 1991 si Qian Qichen, dating Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, sa seremonya ng pagbubukas ng ika-24 na Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng ASEAN sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ito ang simula ng relasyong pandiyalogo sa pagitan ng Tsina at ASEAN.
Nitong 30 taong nakalipas, umakyat sa mga $USD684.6 bilyon ang halaga ng kalakalan ng Tsina at ASEAN mula sa $USD8 bilyon lamang .
Dagdag pa riyan, lumampas din sa $USD200 bilyon ang kabuuang halaga ng pamumuhunan ng kapuwa panig sa isa’t-isa.
Hinggil dito, ipinalalagay ni Chen Dehai, Pangkalahatang Kalihim ng ASEAN-China Center (ACC), na ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan ng dalawang panig ay nakakapaghatid ng aktuwal na benepisyo sa kanilang mga mamamayan.
Tinukoy naman ni Dato Lim Jock Hoi, Pangkalahatang Kalihim ng ASEAN, na ang Tsina ay ang pinakamahalagang trade partner at isa sa mga pangunahing bansang pinanggagalingan ng pamumuhunan ng ASEAN.
Aniya, kasalukuyang kinakatigan ng Tsina ang mga bansang ASEAN sa pakikibaka laban sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), at kabilang dito ang pagkakaloob ng mga bakuna.
Salin: Lito
Pulido: Rhio