Kaugnay ng pagdalo ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, sa serye ng mga pulong ng mga ministrong panlabas ng Kooperasyon ng Silangang Asya, inihayag nitong Lunes, Agosto 2, 2021 ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na sa kasalukuyan, mainam ang pangkalahatang tunguhin ng Kooperasyon ng Silangang Asya, bagay na nagbibigay-tulong sa paglaban ng mga bansa sa rehiyon sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at pagbangon ng kabuhayan.
Nakahanda aniya ng panig Tsino na gawing pagkakataon ang ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng dialogue relations ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), para magkakasamang pangalagaan ang kapayapaan, katatagan, kaunlaran at kasaganaan ng rehiyon.
Una, palalalimin ang kooperasyon kontra pandemiya. Patuloy na patitingkarin ng Tsina ang papel ng isang responsableng malaking bansa, at tutugunan sa abot ng makakaya ang pangangailangan sa bakuna ng mga bansa sa rehiyon.
Ika-2, pasusulungin ang pagbangon ng kabuhayan. Aktibong pasusulungin ang sinerhiya ng mga estratehiyang pangkaunlaran ng iba’t ibang bansa pagkatapos ng pandemiya, at paparamihin ang mga bagong lakas-panulak at bagong tampok ng kooperasyon sa pagbangon.
Ika-3, palalawakin ang kooperasyon sa sustenableng pag-unlad.
At ika-4, ipapatupad ang tunay na multilateralismo.
Salin: Vera
Pulido: Mac