Sa pamamagitan ng video link, dumalo Miyerkules ng gabi, Agosto 4, 2021 si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, sa ika-11 pulong ng mga ministrong panlabas ng Summit ng Silangang Asya.
Saad ni Wang, sa kasalukuyan, nagiging mas masalimuot ang kalagayan ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), nananatili pa ring di-balanse ang proseso ng pagbangon ng kabuhayan, at nahaharap sa multipleng hamon ang pangangasiwang panrehiyon at pandaigdig.
Aniya, bilang rehiyong may mga pangunahing bansang nagpoprodyus ng bakuna sa daigdig, mahalagang ekonomiya sa Asya-Pasipiko at malakas na puwersa sa pagharap sa pagbabago ng klima, dapat magbuklud-buklod ang mga kasapi ng Summit ng Silangang Asya, aktibong umaksyon, at gumawa ng kinakailangang ambag sa paglaban sa pandemiya at pagpapanumbalik ng kabuhayan.
Para rito, iminungkahi ni Wang ang mga sumusunod: una, dapat igiit ang siyentipikong diwa, at magkakasamang pasulungin ang mga bagong hakbangin sa paglaban sa pandemiya.
Dapat aniyang tuluy-tuloy na palawakin ang suplay ng bakuna, pabilisin ang proseso ng pagbabakuna, habang pinalalakas ang kooperasyon sa pananaliksik at pagdedebelop ng mga bagong henerasyon ng bakuna, at magkakasamang itatag ang sentro ng produksyon at distribusyon ng bakuna ng rehiyon.
Ika-2, dapat pasulungin ang berdeng pag-unlad, at patibayin ang pundasyon ng pagbangon pagkatapos ng pandemiya.
Ani Wang, kailangang magkakapit-bisig na harapin ang pagbabago ng klima, at pasulungin ang may-harmonyang pakikipamuhayan ng sangkatauhan at kalikasan.
Buong tatag na tatahak aniya ang Tsina sa landas ng berde, mababang karbon at sustenableng pag-unlad, at aktibong sasali sa kooperasyong pandaigdig sa pagharap sa pagbabago ng klima.
Ika-3, dapat palakasin ang katayuang ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) bilang sentro ng rehiyon, at pangalagaan ang katarungan ng daigdig.
Kumakatig aniya ang panig Tsino sa pagpapalabas ng mungkahi ng ASEAN kaugnay ng multilateralismo.
Aniya pa, kasama ng iba’t ibang panig, nakahanda ang Tsina na pasulungin ang kaayusang pandaigdig na ang batayan ay pandaigdigang batas at sistemang pandaigdig kung saan ang United Nations (UN) ang nukleo.
Samantala, dapat ding bantayan ang iba’t ibang porma ng pekeng multilateralismo, at kailangang mariing tutulan ang paglulunsad ng bloc confrontation sa rehiyon, sa ngalan ng multilateralismo.
Salin: Vera
Pulido: Rhio