Nang mangulo sa Komperensya sa Mataas na Lebel ng Asya at Pasipiko hinggil sa Kooperasyon ng Belt and Road sa pamamagitan ng video link, sinabi ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na ipinagpapatuloy ang kooperasyon ng Belt and Road, kahit sa panahon ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Aniya, nitong nakalipas na 8 taon pagkaraang iharap ang Belt and Road Initiative (BRI), napakalaking pagkakataon at benepisyo ang ibinunga nito para sa iba’t ibang bansa sa daigdig. Isinalaysay niyang hanggang sa kasalukuyan, nilagdaan ng Tsina at 140 bansa ang dokumento sa kooperasyon ng Belt and Road. Lumampas na sa 9.2 trilyong dolyares ang kabuuang halaga ng kalakalan sa pagitan ng Tsina at mga Belt and Road partner, at mahigit 130 bilyong dolyares naman ang kabuuang direktang pamumuhunan ng mga kompanyang Tsino sa mga bansa sa kahabaan.
Iniharap din ni Wang ang apat na mungkahi ukol sa patuloy na pagpapalalim ng pandaigdigang kooperasyon sa bakuna, pagpapalakas ng kooperasyon sa konektibidad, pagpapahigpit ng kooperasyon sa berdeng pag-unlad, at pagpapasulong sa malayang kalakalan ng rehiyon, maging ng buong mundo.
Mga mataas na opisyal ng 29 na bansang kinabibilangan ng Pilipinas at mga kinatawan ng mga organisasyong pandaigdig ang kalahok sa nasabing komperensyang may temang “pagpapalakas ng kooperasyon kontra pandemiya, pagpapasulong sa pagbangon ng kabuhayan.”
Inilabas din sa komperensya ang inisyatiba hinggil sa Belt and Road vaccine cooperation partnership, at inisyatiba hinggil sa partnership ng berdeng pag-unlad na magkasamang inilunsad ng mga kalahok na bansa.
Salin: Vera
Pulido: Frank