Kaugnay ng serye ng mga pulong ng mga ministrong panlabas ng Kooperasyon ng Silangang Asya, inihayag nitong Sabado, Agosto 7, 2021 ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na mabilis pa ring kumakalat ang pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa rehiyon, maging sa buong mundo.
Aniya, ang kooperasyon laban sa pandemiya ay pinakamalaking komong palagay na narating ng iba’t ibang kalahok na ministro sa nasabing serye ng mga pulong.
Saad ni Hua, inilahad ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, ang mahahalagang hakbanging ipinatalastas ni Pangulong Xi Jinping ng bansa.
Ipinagdiinan aniya ni Wang na buong tatag na ipapatupad ng panig Tsino ang solemnang pangako ni Xi na gawing pandaigdigang produkto ng pampublikong kalusugan ang bakuna, at para rito, nakahanda aniyang puspusang tugunan ng bansa ang pangangailangan ng iba’t ibang bansa sa bakuna, at magkasamang pangalagaan ang kalusugan at seguridad ng mga mamamayan ng rehiyon.
Dagdag ni Hua, bilang tugon, tinukoy ng maraming bansa na ang paghahanap sa pinagmulan ng virus ay istrikto’t siyentipikong isyu, at tinututulan nila ang manipulasyong pulitikal sa usaping ito.
Inulit ni Wang Yi na ang origin-tracing sa susunod na hakbang ay dapat isagawa sa maraming bansa’t lugar kung saan, natuklasan ang mga kaso sa maagang panahon.
Sa kasalukuyan, dapat aniyang bantayan at tutulan ng iba’t ibang panig ang mga balakid ng iba’t ibang uri ng “political virus,” at totohanang ipagtanggol ang seguridad ng pandaigdigang kalusugang pampubliko.
Salin: Vera
Pulido: Rhio