Nag-usap sa telepono nitong Lunes, Agosto 16, 2021 sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika para magpalitan ng kuru-kuro tungkol sa situwasyon ng Afghanistan at relasyong Sino-Amerikano.
Pinasalamatan ni Blinken ang paglahok ng panig Tsino sa Doha Talks tungkol sa isyu ng Afghanistan. Ipinahayag niyang ang kasalukuyang situwasyon ng Afghanistan ay pumapasok sa isang masusing yugto.
Dapat aniyang ipahayag ng Taliban ang ganap na pagputol sa ekstrimismo, isagawa ang maayos na paglilipat ng kapangyarihan, at buuin ang inklusibong pamahalaan. Inaasahan aniya ng panig Amerikano ang pagpapatingkad ng panig Tsino ng mahalagang papel sa usaping ito.
Dagdag pa niya, kinikilala ng Amerika ang pagpapasiya ng mga mamamayang Afghan sa kinabukasan ng kanilang bansa. Nanawagan din siya sa Taliban na ngayo’y dapat igarantiya ang kaligtasan ng lahat ng tauhang nais umalis ng bansang ito.
Inilahad naman ni Wang Yi ang posisyon ng panig Tsino sa situwasyon ng Afghanistan. Aniya, muling napatunayan ng katotohanan na hindi mabisa at napakahirap na magtagumpay ang puwersahang pagpapatupad ng modelong panlabas sa ibang bansang may di-katulad na kasaysayan, kultura, at kalagayang pang-estado.
Diin niya, di makakatayo ang isang rehimen kung walang suporta mula sa mga mamamayan. Dapat mataimtim na pag-isipan ang nakuhang aral mula rito, aniya pa.
Tungkol sa relasyong Sino-Amerikano, ipinahayag ni Wang na bilang kapwang pirmihang kasaping bansa ng United Nations (UN) Security Council at mahalagang nakikilahok sa kasalukuyang sistemang pandaigdig, sa harap ng lumilitaw na hamong pandaigdig at maiinit na isyung panrehiyong dapat agarang lutasin, dapat magkaroon ang Tsina at Amerika ng pagkokoordinahan at pagtutulungan. Ito rin aniya ay unibersal na inaasahan ng komunidad ng daigdig.
Sinabi naman ni Blinken na napakahalaga ng pagpapanatili ng Amerika at Tsina ng pagsasanggunian sa mga mahalagang isyung panrehiyon at pandaigdig. Ang pagbabago ng situwasyon sa Afghanistan ay muling nagpapakita ng lubos na kahalagahan ng pagkakaroon ng dalawang bansa ng konstruktibo at pragmatikong kooperasyon tungkol sa isyu ng kaligtasang panrehiyon, dagdag pa niya.
Salin: Lito
Pulido: Mac