CMG Komentaryo: Amerika, bilang pinakamalaking bansang ”tagapaglapastangan ng karapatang pantao,” nabunyag

2021-08-18 14:53:00  CMG
Share with:

Sa kabila ng lantarang panghihimasok sa mga suliraning panloob ng ibang bansa at pagpapataw ng sangsyon sa iba, sa katuwiran ng karapatang pantao, tinatawag ng Amerika ang sarili bilang “tagapagtanggol ng karapatang pantao.”

Ito ay isang malaking kasinungalingan!

Dahil sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), naipakita ang kaguluhan, kaligaligan, at krisis sa loob mismo ng Amerika, dahilan para mailantad ang tunay na mukha ng estilo ng karapatang pantao ng Amerika.

Sa isang pag-aaral na magkakasanib na ipinalabas kamakailan ng tatlong Chinese think tank, tinatawag ang Amerika bilang “pinakamagulong bansa sa daigdig sa panahon ng pandemiya,” kung saan naibunyag ang malagim na krisis at tahasang paglapastangan sa karapatang pantao.

Pero, hindi naman ito bago.

Palagiang suliranin ang kaguluhang panlipunan sa Amerika, at ang pandemiya ng COVID-19 ay nakakapagpalala nito.

Nitong mahigit isang taong nakalipas, madalas maganap ang mararahas na krimen sa bansa, at sa ngayon, nasa unang puwesto ang bilang ng krimen ng Amerika kumpara sa mga maunlad at umuunlad na bansa. .

Sa kasalukuyan, nilalapastangan pa rin ang karapatang pantao ng mga etnikong minoriya sa lipunang Amerikano, na siyang nakapagdaragdag ng dungis sa “dati nang maruming budhi” ng Amerika.

Sa kabila ng lahat ng ito, namamayagpag din ang pulitikal na kaguluhan sa bansa.

Sanhi ng maraming elementong gaya ng pagkabigo ng pamahalaan sa paglaban sa pandemiya, pagka-inutil sa pagpapa-ahon ng kabuhayan, at paglala ng kaguluhang panlipunan, nahaharap ang mga mamamayang Amerikano sa napakalaki at walang-katulad na presyur, at paghihirap ng kanilang pamumuhay.

Dahil sa patuloy na paglaganap ng pag-aalala at pagtaas ng pakiramdam ng kawalang-kapangyarihan, napakaraming Amerikano ang nagkakaroon ng problemang sikolohikal.

Pero, bulag ang mga politikong Amerikano sa mga kahirapang dinaranas ng mga mamamayang; sa halip ay walang-tigil pa silang gumagawa ng  kaguluhan sa ibat-ibang dako at pinipinsala ang mga mamamayan ng buong mundo gamit ang hegemonikong kaisipan.

Ilang halimbawa ay ang paulit-ulit na pagpapalakas ng  sangsyon laban sa Iran, Venezuela, Cuba at iba pang bansa; panunulsol sa situwasyon ng Ukraine; panghihimasok sa mga suliraning panloob ng Tsina na tulad ng Hong Kong, Xinjiang, Taiwan, at iba pa; puspusang pagsusulong sa kagawian ng pagpapataw ng unilateral na sangsyon at pakikialam sa iba.

Ang mga ito ay hindi lamang nakakapinsala sa kapayapaang pandaigdig at lumalapastangan sa karapatang pantao ng ibang bansa, kundi grabe ring nakakasira sa pandaigdigang kooperasyon sa paglaban sa pandemiya,  nakakapagpasimula ng makataong krisis,  at nagiging “ugat ng kaguluhang pandaigdig.”

Ipinakikita ng mga katotohanang nabanggit, na ang umano’y bansag sa sarili na “tagapagtanggol ng karapatang pantao” ay malaking kasinungalingan!

Ang Amerika ang siyang pinakamalaking bansang ”tagapaglapastangan ng karapatang pantao,” at iyan ang di-mababaluktot na katotohanan!


Salin: Lito
Pulido: Rhio

Please select the login method