Sa pamamagitan ng telepono, nagpalitan nitong Huwebes, Agosto 19, 2021 ng kuru-kuro sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Dominic Raab, Unang Kalihim ng Estado at Ministrong Panlabas ng Britanya, hinggil sa kalagayan ng Afghanistan at relasyong Sino-Britaniko.
Kaugnay ng isyu ng Afghanistan, sinabi ni Wang na pumasok na sa masusing yugto ng resolusyong pulitikal ang isyung ito, mula sa resolusyong militar. Nakahanda aniya ang panig Tsino na sa paunang kondisyon ng hindi pakikialam sa mga suliraning panloob, patuloy na patingkarin ang konstruktibong papel sa isyung ito.
Nang mabanggit ang relasyong Sino-Britaniko, saad ni Wang, sinang-ayunan ng panig Tsino ang pahayag ni Raab na dapat bigyang liwanag ang bilateral na relasyon, batay sa kooperasyon, sa halip ng alitan. Aniya, ang kooperasyon kontra pandemiya ay nananatili pa ring pinakamahalagang isyu ng iba’t ibang bansa.
Kaugnay ng pagsasapulitika ng ilang tao sa palakasan kamakailan, at panawagan sa pagboykot ng Beijing Olympic Winter Games, tinukoy ni Wang na ito ay malubhang lumalabag sa Karta ng Olimpiyada at karapatan at kapakanan ng mga atleta.
Sang-ayon si Raad na hindi dapat isapulitika ang palakasan at pandaigdigang kooperasyon laban sa pandemiya.
Nakahanda aniya ang panig Britaniko na paunlarin ang positibong bilateral na relasyon sa panig Tsino, at palalimin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan sa mga larangang gaya ng kabuhayan, pinansya, kalusugan at iba pa.
Dagdag niya, maaaring palakasin ng panig Tsino’t Britaniko ang koordinasyon sa isyu ng Afghanistan.
Salin: Vera
Pulido: Mac